MANILA, Philippines — Mahigit na sa 3 milyong Pinoy ang kumpleto na ang bakuna laban sa COVID-19.
Ibinida ni Presidential spokesperson Harry Roque na base sa pinakahuling data nitong Hulyo 7, nasa 3,089,976 milyon na ang nabigyan ng una at ikalawang dose ng bakuna.
Kabuuang 12,489,077 COVID-19 vaccines ang naiturok. Pero inaasahan na tataas ang nasabing bilang dahil hindi pa dumarating ang data mula sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor.
Naitala naman noong July 6 ang all time high na average rates kung saan nakapagturok ng 248,004 sa isang araw lamang.
Ito na ang pinakamalaking bilang ng mga naturukan sa isang araw mula ng magsimula ang vaccination roll out ng pamahalaan.
Muling hinikayat ni Roque ang mga mamamayan na magpa-bakuna at tiyaking matuturukan ng ikalawang dose.
Binanggit din niya ang pagdating ng dalawang batches ng AstraZeneca ngayong linggo kung saan ang una ay donasyon ng Japanese government at ang pangalawa ay mula sa COVAX Facility.
Bukod pa ito sa inaasahan ding darating ngayong linggo na dalawang batches ng Sputnik V component 1 at 2.— Angie dela Cruz