MANILA, Philippines — May halos 36-sentimo kada kilowatt hour (kWh) na tapyas sa singil sa kuryente ang Meralco ngayong Marso.
Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, mula sa dating P8.6793 noong Pebrero ay magiging P8.3195/kWh na lamang ang overall power rate ngayong Marso dahil sa ipatutupad nilang P0.3598 per kWh na bawas-singil.
Aniya, ito na ang ikalawang sunod na buwan na nagpatupad ang power distribution firm ng power rates reduction habang ito rin aniya ang pinakamababang rate na naipatupad ng Meralco simula noong Agosto 2017.
Nabatid na ang P0.3598/kWh rate rollback ay katumbas ng P72 na bawas sa bayarin ng mga residential customers na kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan; P108 sa nakakagamit ng 300kwh; P144 sa 400kwh at P180 sa kumukonsumo ng 500kwh.
Anang Meralco, ang pangunahing dahilan nang pagbaba ng singil sa kuryente ay ang pagsisimula na nang pagpapatupad nila ng Distribution Rate True-Up refund ngayong buwan, na aabot sa P13.9 bilyon.