MANILA, Philippines — Parami nang parami ang bilang ng mga nahawaan ng mas nakahahawang variant ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, ayon sa tala ng Department of Health (DOH) — karamihan sa kanila'y matatagpuan sa Metro Manila.
'Yan ang isiniwalat ni Health Secretary Francisco Duque III sa isinagawang press conference matapos ang COVID-19 vaccine launch sa Southern Philippines Medical Center (SPMC).
"'Yung... South African variant, 41 out of 52 cases, ito po ay galing po sa [National Capital Region]," ayon kay Duque, Biyernes.
"40 out of 41 naman sa NCR cases ang active. 'Yung isa naman po ay recovering na."
Nananatiling active at nagpapagaling naman sa COVID-19 ang nalalabing 11, na bineberipika pa kung taga Metro Manila o kung returning oversease Filipino workers (ROFs).
Kilalang mas nakahahawa ang nasabing B.1.351 variant kaysa karaniwan, at nakapagpapababa ng bisa ng ilang bakuna laban sa COVID-19.
Napag-alaman ng gobyerno ang mga naturang pigura matapos ang ika-siyam na batch ng genome sequencing na isinagawa ng UP Philippine Genome Center (PGC), bagay na sumuri sa 350 samples. Nanggaling ang mga sample sa:
- NCR
- Central Visayas
- ROFs
Una nang lumalabas sa isang pag-aaral na napabababa ng nasabing variant ang bisa ng AstraZeneca vaccine sa 10%, bagay na bineberipika pa raw sabi ng DOH dahil sa liit ng sample size ng study.
Una nang iniuugnay ng OCTA Research Group ang mga pagtalon sa kaso ng COVID-19 sa Metro Manila sa mga variants, bagay na ayaw pang kumpirmahin ng DOH sa ngayon.
Umabot na sa 584,667 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas nitong Huwebes. Sa bilang na 'yan, patay na ang 12,404.
UK variant, mutations pumalo rin
"Meron po tayong 31 additional B.1.1.7 variant, o UK variant, and 42 additional cases with mutations of potential clinical significance," patuloy ni Duque.
Sinasabing nanggaling sa mga sumusunod na lugar ang mga nakitaan ng B.1.1.7:
- National Capital Region (28)
- bineberipika pa (3)
Lahat ng mga nabanggit ay active cases pa hanggang sa ngayon.
Katulad ng variant na unang nadiskubre sa South Africa, mas nakahahawa rin sa karaniwan ang variant na natuklasan sa United Kingdom (UK). Ang dalawang variants na nasa Pilipinas na ay hindi pa naman iniuugnay sa mas malubhang uri ng COVID-19.
Samantala, nanggaling naman sa mga sumusunod na lugar ang may "mutations of potential clinical significance":
- Central Visayas (34)
- National Capital Region (6)
- bineberipika pa (2)
Nasa 22 sa mga 34 kaso na galing sa Region 7 ang magaling na habang ang 12 pa sa Central Visayas, anim sa NCR at dalawang vine-verify na cases ay aktibo.
"[E]veryone is reminded of their individual responsibilities to follow the minimum public health standards at all times and in all settings. The conscious effort of properly wearing a mask and face shield, and observing physical distancing will keep you and everyone around you protected from COVID-19," sabi ng DOH sa hiwalay na statement.