Health protocols ipatupad sa lahat, wala dapat paboran
MANILA, Philippines — Mariing inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na wala dapat pinapaborang indibiduwal o grupo at ipatupad sa lahat ang health and safety protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ginawa ni Sen. Go ang paalala dahil sa ilang insidente na nag-viral at ikinagalit ng publiko dahil sa paglabag sa pandemic protocols.
“Wala pong pinapaboran ang gobyerno pagdating sa health protocols. Lahat po ng mga Pilipino ay hinihikayat nating sumunod. Pantay-pantay dapat at no exceptions dahil importante ang buhay ng bawat Pilipino,” ani Go.
“Kung nais po nating mabilis na maka-recover tayo mula sa pandemyang ito, sumunod tayong lahat sa mga patakaran kasi buhay natin at ng ating mga mahal sa buhay ang nakasalalay dito,” dagdag niya.
Samantala, iginiit ni Go sa proper authorities na siyasating mabuti ang mga nasabing insidente, partikular ang Baguio City party-party at panagutin ang mga sangkot na umamin naman sa kanilang pagkakamali.
“Marami sa mga kababayan natin ang hirap na hirap na. Huwag nating hayaan na dumagdag pa sa pasakit ng nakararami ang pagiging pasaway ng iilan. Paalala lang, kung gusto ninyo isugal ang buhay ninyo, huwag niyo idamay ang kapwa ninyo kasi buong health system natin apektado kapag maraming nagkasakit,” sabi ni Go.
“Marami namang sumusunod ngayon — ’yung gustong mabuhay pa. Pero mayroon lang iilan diyan na matigas ang ulo na ayaw ng maka antay ng pagbabalik sa dating normal,” anang senador.
Aniya, magsilbi sanang leksyon sa lahat ang nangyari at huwag munang magkumpiyansa dahil nandito pa ang COVID-19.
- Latest