^

Bansa

'Bagong COVID-19 variants': Ano ang mga 'yan at bakit delikado, kinatatakutan?

James Relativo - Philstar.com
'Bagong COVID-19 variants': Ano ang mga 'yan at bakit delikado, kinatatakutan?
Nagpapaturok ng Oxford/AstraZeneca Covid-19 vaccine ang ilang pasyente sa Epsom, southern England, ika-11 ng Enero, 2021
AFP/POOL/Dominic Lipinski

MANILA, Philippines — Kinatatakutan ng mga dalubhasa ang posibleng pagpasok ng mga "bagong" coronavirus disease (COVID-19) variants sa Pilipinas nitong mga nagdaang araw — ang problema, hindi alam ng marami kung bakit.

Kilalanin ang iba't ibang variant mula United Kingdom, South Africa, Malaysia, Denmark at Nigeria na binabantayan ngayon ng Department of Health (DOH) at kung paano ito naiiba sa SARS-CoV-2 virus na laganap, bagay na nagsasanhi ng COVID-19 infections sa Pilipinas.

Basahin: DOH: 3 bagong COVID-19 variants binabantayan; Visayas, Mindanao inaaral kung napasok

Una nang isinara ng Pilipinas ang pintuan nito sa 28 teritoryo gaya ng UK, Estados Unidos, Hong Kong, South Africa, Austria atbp. hanggang ika-15 ng Enero kaugnay ng mga bagong variants.

UK variant: Mas nakakahahawa ng hanggang 70%

Ika-14 ng Disyembre, 2020 nang unang ibalita ng  United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland sa World Health Organization (WHO) ang panibagong mutation ng COVID-19 — bagay na lubhang mas nakahahawa kumpara sa karaniwan.

Ang variant ay kilala rin sa tawag na Variant of Concern  202012/01 (VOC-202012/01).

"Preliminary reports by the [UK] are that this variant is more transmissible than previous circulating viruses, with an estimated increase of between 40% and 70% in transmissibility," ayon sa WHO nitong Disyembre.

"Investigations are ongoing to determine if this variant is associated with any changes in the severity of symptoms, antibody response or vaccine efficacy."

Sa kabila nito, sinabi kanina ni Dr. Rabindra Abeyasinghe, representante ng WHO sa Pilipinas, na kinumpirma na raw ng Public Health England na mabisa pa rin ang Pfizer-BioNTech vaccine laban sa COVID-19 variant mula sa UK.

Ayon kay Dr. Cynthia Saloma ng Philippine Genome Center (PGC) nitong Biyernes, hindi bababa sa 17 mutations ang pinagdaanan ng UK variant na sinasabing nagco-contain na ng D614G — ang pinakalaganap sa lahat ng mga variant sa daigdig.

 

 

South African variant: 'Mas mataas na viral load'

Maliban sa UK variant, isa pa ang labis na binabantayan ng DOH: ang "501Y.V2" variant na siyang inanunsyo ng South African authorities noong ika-18 ng Disyembre, 2020.

Sa mga paunang pag-aaral, sinasabing "mas mataas ang viral load" ng South African COVID-19 variant. Dahil diyan, sinasabing mas mataas din ang transmissibility.

Halos napalitan na nga raw ng South African variant ang SARS-CoV-2 viruses na lumalaganap sa mga probinsya ng Eastern Cape, Western Cape at KwaZulu-Natal.

Nakikita na ang South African variant sa 10 bansa sa ngayon, ayon sa ulat ng GMA News.

"Moreover, at this stage, there is no clear evidence of the new variant being associated with more severe disease or worse outcomes. Further investigations are needed to understand the impact on transmission, clinical severity of infection, laboratory diagnostics, therapeutics, vaccines, or public health preventive measures," ayon sa WHO.

Sabi ni Abeyasinghe, kaya pa rin naman daw maprotektahan ng maraming bakuna sa ngayon ang South African variant. Sa kabila niyan, fina-follow up pa rin ng iba't ibang organisasyon ang mga naturang pag-aaral.

Ilang UK scientists noong ika-14 ng Enero ang nagsabing nangangamba sila na baka hindi maprotektahan ng mga bakuna sa Britanya ang kanilang mga mamamayan mula sa South African variant.

Malaysian variant: 'Banta mula kapitbahay'

Bagama't hindi pa tiyak kung mas madali makapanghawa ng COVID-19, kasama rin ang "A701B" variant ng Malaysia sa nais pigilan ng Republika ng Pilipinas na makalusot at makapanghawa domestically.

Ang problema, Malaysia ang pinakamalapit sa lahat ng origin countries ng mga naturang variant: katabi lang mismo ng Pilipinas.

Gayunpaman, hindi kasama ang nasabing bansa sa 28 bansa/teritoryo na sakop ng travel restrictions sanhi ng COVID-19.

Kasalukuyang nagpapatupad ng "lockdown" ang probinsya ng Sulu dahil sa banta ng Malaysian variant, bagay na tatagal hanggang ika-14 ng Enero, 2021.

"This is for securing our shores from the reported COVID-19 strain in Sabah, Malaysia considering we are so near," ani Sulu Gov. Abdusakur Tan sa panayam ng ANC noong ika-31 ng Disyembre.

Basahin: Sulu on lockdown over new COVID-19 strain

Danish variant: Hawaan ng tao sa hayop

Agosto at Setyembre 2020 nang iugnay ang isang SARS-CoV-2 variant mula Jutland, Denmark sa mga hayop gaya ng "mink." Ang kaibahan nito, nanggaling na ito noon sa mga tao.

Ang variant mula sa Denmark ay tinatawag na "Cluster 5," na may mga "kombinasyon ng mutation na hindi pa naoobserbahan noon." Posible rin daw na mas matagal bago mapagaling ang nasabing variant.

"[T]here is concern that this variant... may result in reduced virus neutralization in humans, which could potentially decrease the extend and duration of immune protection following natural infection or vaccination," paliwanag ng WHO.

"Studies are ongoing to assess virus neutralization among humans with this variant."

Sinasabing nasa 12 katao pa lang ang nakikitaan ng Cluster 5 variant noong Setyembre 2020, kung kaya't nakikitang mabagal ang pagkalat nito.

Nigerian variant: Hindi tiyak na panganib

Inoobserbahan din sa ngayon ang "B.1.1.207" variant ng COVID-19 sa bansang Nigeria — ang ikalawang bansa sa kontinente ng Africa na may tinutukoy na sariling mutation, ayon sa U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC).

Gayunpaman, "wala" pa raw nakikitang malaking concern sa katangian sa nasabing variant. Gayunpaman, sinabi na ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na babantayan nila ito oras na may mamataan.

Humihingi pa naman ng karagdagang oras sina John Nkengasong, director ng Africa CDC, pagdating sa nasabing varian: "Give us some time ... it’s still very early," wika niya.

Inilabas na rin ng principal COVID-19 investigator ng Nigeria ang genomic sequences ng naturang variant. Aminado naman ang Nigerian CDC na maraming delay nitong mga huling linggo sa kanilang testing sa paglobo ng samples.

Sa huling ulat ng John Hopkins University of Mediccine, umabot na sa 90.34 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig. Patay na ang mahigit 1.93 milyon sa bilang na 'yan.

COVID-19 VACCINE

DENMARK

DEPARTMENT OF HEALTH

EXPLAINER

MALAYSIA

NIGERIA

NOVEL CORONAVIRUS

UNITED KINGDOM

WORLD HEALTH ORGANIZATION

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with