MANILA, Philippines — Pinabulaanan ni Health Secretary Francisco Duque III ang akusasyon na naudlot ang kasunduan sa vaccine maker na Pfizer kung saan iginiit niya na nagpapatuloy pa rin ang negosasyon sa naturang manufacturer na nakabase sa Estados Unidos.
“There is no such thing as dropping the ball,” ayon kay Duque patungkol sa unang akusasyon ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin na may humadlang sa negosasyon. “Negotiations are ongoing, tuluy-tuloy po.”
Ayon kay Locsin, dapat parating na sa Pilipinas ang mga bakuna ng Pfizer sa darating na Enero na popondohan ng World Bank at Asian Development Bank (ADB).
Ngunit ayon kay Duque, pumirma sila ng Confidentiality Disclosure Agreement (CDA) sa Pfizer noon pang Oktubre habang si vaccine czar Secretary Carlito Galvez ay pumirma naman sa CDA ngayong Disyembre.
Dahil sa pagiging vaccine czar, itinuro ni Duque si Galvez na siyang mas may awtoridad na magsalita ukol sa pagbili ng bakuna ng bansa sa mga manufacturers.