28 deputy speakers sa Kamara ‘di kailangan, dagdag gastos lang

Ayon sa batikang political analyst na si Mon Casiple, hindi kailangan ng napakaraming Deputy Speaker dahil wala naman itong naipakitang nagagawa at habang dumarami ang itinatalagang Deputy Speaker ay dumarami lamang ang gastos.

MANILA, Philippines — Lilikha lamang ng gastos sa kaban ng bayan ang sangkaterbang deputy speakers ng House of Representatives na umabot na ng 28.

Ayon sa batikang political analyst na si Mon Casiple, hindi kailangan ng napakaraming Deputy Speaker dahil wala naman itong naipakitang nagagawa at habang dumarami ang itinatalagang Deputy Speaker ay dumarami lamang ang gastos.

Malinaw umano na ang nangyayari ay political accommodation kung saan nabigyan ng pwesto ang mga kongresista na naging instrumental sa pag-upo bilang House Speaker ni Velasco.

“It’s a very partisan move. Wala namang malaking nagawa, naging hatian lang ng pera,” paliwanag ni Casiple.

Ang 28 bilang ng Deputy Speaker ang pina­ka­mataas sa kasaysayan ng Kamara.

Kabilang sa mga bagong DS sina Arnolfo Teves Jr, Negros Oriental 3rd District; Rimpy Bondoc, Pampanga 4th District; Bernadette Herrera Dy, Bagong Henerasyon; Kristine Singson Meehan, Ilocos Sur 2nd District; Divina Grace Yu, Zamboanga del Sur 1st District; Rogelio Pacquiao, Sarangani; Bienvenido Abante Jr., Manila 6th District at Valenzuela 1st District Rep. Eric Martinez.

Ang deputy speakership ay may kaakibat na mga perks gaya ng budget na P200M at voting powers.

Una nang ipinaliwanag ni UP Political Science Assistant Prof. Jean Franco na habang dumarami ang DS ay nadaragdagan din ang gastos, halimbawa umano, kapag itinalagang deputy speaker ay magkakaroon ng opisina, dagdag na staff at budget.

Sa 2017 report ng Commission on Audit (COA), lumilitaw na P4.89B ang nagastos sa mga expenses sa mga tanggapan ng mga kongresista. Kung sa 14 na Deputy Speakers noon ay malaki na ang ginastos ay tiyak na dodoble ngayong 28 ang DS.

Show comments