Ban sa drag racing aprub sa House panel

MANILA, Philippines — Inaprubahan na ng House panel ang panukalang nagbabawal sa drag racing o karera ng mga behikulo kabilang ang mga public utility vehicles sa mga pampublikong highways.

Sinabi ni 2nd District Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo, may akda ng House Bill 3391, maraming buhay ang nasasawi sa drag racing kung saan maging ang mga pampublikong behikulo ay nagkakarera sa pag-uunahan sa mga pasahero.

Ayon sa lady solon, lubhang nakakaalarma na ang drag racing kaya dapat maparusahan ang mga  walang disiplinang driver na sangkot dito na kahit sa mga pampublikong highways ay nagkakarera.

Inihalimbawa ni Castelo ang insidente ng karera ng dalawang bus sa Bohol na ikinasugat ng pito katao noong 2017.

Kabilang din sa ipinagbabawal ay ang karera ng mga pampublikong sasak-yan na nagsasagawa ng overtake sa bawat isa sa pag-uunahan sa mga pasahero.

Sinumang lalabag ay papatawan ng multang P300,000-P500,000 at makukulong ng isang taon.

Show comments