Gabriela Rep. Arlene Brosas positibo sa COVID-19 — House official
MANILA, Philippines — Nagpositibo sa nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19) ang isang militanteng mambabatas mula sa Kamara, pagkukumpirma ng isang House official, Miyerkules.
"Ikinalulungkot naming ibalita na si Rep. Arlene Brosas (Gabriela Party-List) ay nagpositibo sa COVID-19," ani House Secretary General Jose Luis Montales sa Inggles, sa isang pahayag sa mga reporter.
"Meron tayong 15 aktibong kaso sa ngayon. Magdasal tayo para sa kanilang mabilis at tuluyang paggaling."
Isang linggo pa lang ang nakalilipas nang huling ibalita ang pagkamatay ng isang House lawmaker kaugnay ng COVID-19.
Ika-8 ng Setyembre nang pabalik na sana ng Maynila mula sa Legazpi City, Albay si Sorsogon Rep. Ditas Ramos nang bigla siyang atakihin ng "cardiac arrest" — tatlong araw matapos ma-diagnose ng COVID-19.
Basahin: Another lawmaker with COVID-19 dies
Matatandaang namatay pa lang sa COVID-19 si Senior Citizens party-list Rep. Jun Datol noong nakaraang buwan.
Ilan pa sa mga nagpositibo kamakailan sa mga nakamamatay na sakit ay sina:
- Bulacan Rep. Henry Villarica
- Sulu Rep. Samier Tan
- Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel
- Basilan Rep. Mujiv Hataman
- Northern Samar Rep. Raul Daza
- Cavite Rep. Luis Ferrer IV
- at 1-Pacman party-list Rep. Eric Pineda
Marso nang isara bigla ng Kamara ang ilang tanggapan nito matapos mamatay ang isa nilang empleyado. Gayunpaman, wala pang balita kung muli nila itong isasara ngayong Setyembre para sa disinfection. — James Relativo
- Latest