Gordon: Ebidensya vs Duque kulang para kasuhan ng 'graft,' 'malversation'
MANILA, Philippines — Matapos irekomenda ng komite ng Senado ang paghahain ng mga kasong kriminal at administratibo kina Health Secretary Francisco Duque III at ilang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) noong Martes, naniniwala ang isang mambabatas na "kulang" pa ito para maidiin ang kalihim.
Kahapon lang inilapit ng Senate Committee of the Whole ang pagkakaso ng "malversation" at "graft" laban kay Duque at ilan pang opisyal ng PhilHealth kaugnay ng katiwaliang nangyari sa ahensya noong Agosto.
Basahin: Senate recommends criminal, admin cases vs PhilHealth execs
"I always want to be fair. It’s not popular to be seen as supporting Duque… [However], he was never there. He did not participate [in the interim reimbursement mechanism], he was absent," sambit ni Sen. Richard Gordon sa panayam ng ANC, Miyerkules.
"If there are other things that they can charge him with, then they’ll have to come up with something. In my view, whenever I make accusations, I make sure that I have a piece of paper that supports it."
Una nang iniuugnay ang paggamit ng IRM sa paglalabas ng pondo upang paboran ang ilang ospital. Pumutok ito kasabay ng diumano'y pagbulsa diumano ng PhilHealth officials sa P15 bilyong pondo at pag-ooverprice diumano ng ilang information technology (I.T.) equipment.
Bagama't Department of Health (DOH) ang pinamumunuan ni Duque, nagsisilbi rin siyang chairperson ng PhilHealth.
May kaugnayan: Whistleblower accuses PhilHealth execs of stealing P15 billion through fraud schemes
Nanindigan si Gordon na "hindi sapat" ang ebidensya para idiin si Duque, at sadyang nadatnan lang ang state health insurer nang ganoon ang kalakaran. Gayunpaman, suportado niya ang committee report na inilabas sa kabila ng ilang reserbasyon.
"The man is totally besieged. He inherited a DOH that is actually a snake pit... There are certain people within PhilHealth that really favored certain hospitals," dagdag pa ng senador.
Matatandaang tinawag na "godfather ng PhilHealth mafia" ni dating PhilHealth anti-fraud officer Thorrsson Montes Keith si Duque kaugnay ng sari-saring alegasyon nila ng pagnanakaw at iregularidad sa kanilang tanggapan.
Nangyayari ang lahat ng ito matapos ding magbitiw sa pwesto ni dating PhilHealth President at CEO Ricardo Morales dahil diumano sa cancer, bagay na malugod na tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Walang basehan?
Sa kabila ng mga paratang, nagmamatigas ngayon sina Duque na wala silang kinalaman sa mga ipinupukol sa kanilang isyu.
"The Senate made baseless findings on mere allegations. I am for zero tolerance on fraud and corruption," tugon ni Duque sa imbestigasyon ng Kamara ngayong araw.
Bukod sa malversation at graft, inirekomenda rin ng Senado sa Department of Justice (DOJ) na magkaso ng malversation, paglabag sa Internal Revenue Code at graft laban kay Duque dahil sa kabiguan daw niyang mag-withold ng tax liabilities kaugnay ng IRM.
Ang IRM ay may mandatong tulungan ang ilang healthcare institutions na makapagpatuloy ng mga operasyon sa gitna ng mga sakuna't hindi inaasahang pangyayari.
Tinatawag ngayong "iligal" at "invalid" ng Mataas na Kapulungan ang nasa P14 bilyong IRM funds na inilabas sa mga ospital mula Marso 25 hanggang Hunyo 9, lalo na't dapat ay Hunyo lang daw ito naging epektibo.
Depensa ni Duque, hindi niya naaral nang husto ang IRM noong mga naunang araw lalo na't napakabigat daw ng kanyang ginagampanang trabaho laban sa coronavirus disease (COVID-19).
"Ang aking tinutugunan ay yung mismong paglaki ng bilang ng COVID-19. Talagang napakahirap ng aking trabaho," sambit pa ng hepe ng DOH.
Pinakakasuhan din ngayon sa DOJ sina Morales, dating Senior Vice President (SVP) Rodolfo del Rosario Jr., Executive Vice President Arnel De Jesus atbp. SVP ng ahensya.
Kahapon lang nang sabihin ni Dante Gierran, bagong hepe ng PhilHealth, na magtatalaga siya ng sariling tao mula sa National Bureau of Investigation (na dati niyang pinagtrabahuhan) para matiyak na malinis ang ahensya.
"The system is already there, and the laws are these, and all those laws or systems are being installed for the right purpose," sabi ni Gierran.
"But the problems is you know what? The leader, the people... and the greed. That's the problem." — may mga ulat mula kay Bella Perez-Rubio at ONE News
- Latest