Alegasyong tumaas ang systems loss sa Iloilo City, mula sa maling computation - More Power
MANILA, Philippines — Kinastigo ng Distribution Utility na More Electric and Power Corp. (More Power) ang alegasyon na tumaas ang systems loss na sinisingil sa mga consumers sa Iloilo City.
Ayon kay More Power Spokesman Jonathan Cabrera, ang pahayag ng grupong Koalisyon Bantay Kuryente (KBK), na umabot sa 7.1% ang sinisingil na systems loss sa mga consumers ng More Power na mataas sa 6.5% na siya lamang itinatakda ng Energy Regulatory Commission ay ibinase umano sa maling formula.
Ipinaliwanag ni Cabrera na tanging generation charge lamang ang isinama nito sa computation na ang tama ay kasama maging ang transmission charge.
Kung susundan umano ang formula na ginamit ng KBK halimbawa sa billing ng Panay Electric Company (PECO) noong Pebrero 2020 ay bubuwelta rin sa kanila ang kanilang akusasyon dahil lalabas na nasa 8.13% ang kanilang systems loss na mas mataas pa rin kaysa sa ipinalalabas nila laban sa More Power.
Ipinaliwanag ni Cabrera na mula nang magsimula ng operasyon ang More Power noong Pebrero ay nasa 6% systems loss lamang ang kanilang sinisingil sa mga consumers at bababa pa ito pagsapit ng 2021 na aabot na lamang sa 5.50% at sa 2022 ay 4.75%.
Mula noong Mayo 2018 ay nagtakda na ng system loss cap ang ERC na siya lamang pwedeng singilin sa mga consu-mers.
Ang sosobra sa itinakdang cap ay papasanin na ng mga Distribution Utility kaya naman sa panig ng More Power ay pinagbubuti nito ang kanilang distribution system at buong pasilidad at hinahabol ang mga gumagamit ng jumper upang hindi lumaki ang kanilang systems loss na ang kumpanya din ang papasan.
- Latest