Panukalang CDCP tinatalakay na sa Kamara
MANILA, Philippines — Sinimulan ng talakayin sa Kamara ang House Bill 6096 na lilikha ng Center for Disease Control and Prevention (CDCP) na mangunguna para maging handa ang bansa sa mga matitinding sakit at pandemya, at pangalagaan ang kalusugan at buhay ng mga Pinoy sa panahon ng pananalasa ng mga ito.
Idineklarang prayoridad ni Pangulong Duterte ang HB 6096 sa State of the Nation Address (SONA) niya noong Hulyo.
Inihain ito ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda noong Enero para mapaghandaan ang kumakalat na Covid-19 pandemic noon.
Ayon kay Salceda, chairman ng House Ways and Means committee, “maaaring mapabilis ang pagtalakay sa HB 6096 dahil suportado ito ng mga kasamahan niyang mambabatas at 167 ang ‘co-authors’ nito, bukod sa malinaw na tagubilin ng Pangulo na sadyang kailangan natin ito.”
Sa pamamagitan ng ‘Zoom live conference,’ sinimulang talakayin ng House Committee on Health ang mga panukala ni Salceda na naglalatag ng mga akmang balangkas kaugnay sa ‘quarantine, disease surveillance,’ at ‘contact tracing’ na ginagawa na ngayon.
Pangunahing tampok ng bill ang kaisipang maaaring magkaroon ng malawakang pagkakasakit sa bansa at dapat maging handa rito ang mga Pinoy. Ang panukalang tugon sa suliraning ito ay hango sa mga kaalaman at nga hakbang na ginawa ng ibang bansa gaya ng China, Australia, at USA na ini-akma naman ni Salceda sa aktwal na kalagayan sa Pilipinas.
- Latest