Pilipinas maaring 3-M na ang COVID-19 cases; undetected milyun-milyon — study

Makikita sa litrato ang ilang healthcare workers sa loob ng Mega Swabbing Center sa Philippine Sports Stadium na nasa Sta Maria Bulacan, ika-20 ng Mayo, 2020
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Maaaring milyun-milyon ang na ang coronavirus disease (COVID-19) sa bansa nang hindi man lang nalalaman ng madala ayon sa bagong pag-aaral na inilimbag ng Ateneo Center for Economic Research and Development nitong Martes.

Iniakda ni Jan Fredrick Cruz, layon ng research na tantiyahin kung ilan na ang nahahawaan ng nakamamatay na sakit sa Pilipinas na hindi man lang naiuulat — dahilan para lalo raw pag-isipan ng gobyerno ang "mass testing."

"The analysis reveals that 96-99% of COVID19 cases in the ASEAN-5 were undetected during April-June 2020," sabi ni Cruz sa resulta ng pag-aaral.

"Roughly three million Filipinos (2.6% of the national population) may have been infected by the virus in the same period—the worst record in the ASEAN-5 group in percentage terms."

Sa mahigit-kumulang 100 milyong populasyon ng Pilipinas, lumalabas daw na kulang-kulang 98% ng mga COVID-19 cases sa bansa ang undetected noong ikalawang kwarto ng 2020.

Patuloy ni Cruz, nakababahala ito lalo na't ang estimated COVID-19 prevalence level ay nagpapakita aniya ng 8,000% ng confirmed cases sa saklaw na panahon.

Bagama't nagsasagawa na ng sari-saring testing para sa COVID-19 sa Pilipinas, ayaw itong tawagin ng Malacañang bilang "mass testing" ngunit "increase targeted" testing lang. Dahil diyan, marami pang kwalipikasyon bago man lang sumailalim sa swab testing ang pasyente. Hindi rin ito libre.

Basahin: Palace: Don't say 'mass testing', we can't test everybody

Sa opisyal na datos ng Department of Health (DOH) ngayong araw, nasa 173,774 pa lang ang sinasabing tinatamaan ng COVID-19 sa bansa. Sumatutal, tinataya na nasa 2,795 na ang namamatay sa Pilipinas dulot ng sakit.

Kahapon lang nang sabihin ni Tony Leachon, dating adviser ng National Task Force kontra COVID-19, na maaaring umabot sa 250,000 ang opisyal na COVID-19 cases sa bansa sa pagtatapos ng Agosto dahil sa pagluluwag ng mga lockdown. 12 na araw na lang 'yan mula sa ngayon.

Datos saan hinugot? Bakit iba sa DOH?

Sabi ni Cruz, nagmula ang kanyang "crude estimates" ng "true" COVID-19 prevalence gamit ang adjusted case fatality ratios at iniulat na kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, Indonesia, Malaysia at Thailand.

"Singapore figures are utilized as baseline in the computations because of [its] widespread testing strategy," dagdag pa ni Cruz.

 

 

 

Bagama't mas malaki ang estimated COVID-19 cases ng Indonesia sa Pilipinas, may kaibahan aniya rin kasi ng populasyon ang dalawang bansa.

"All other factors held constant; a higher population equates to a higher likelihood of COVID-19 cases," sabi pa ni Cruz.

"[When we] discount the effect of population size on estimating the actual number of infected persons, [the data] highlights the Philippines as the worst performer among the ASEAN-5 in controlling the spread of COVID-19."

Kabaha-bahala raw ito para sa bansa, lalo na't sinasabing Pilipinas na ang may pinakamahaba at pinakamahigpit na quarantine measures sa mundo.

'Mass testing kailangan'

Dahil sa mga lumabas na datos, sinasabi ng pag-aaral na kailangan ng mass testing ng Pilipinas para masugpo ang COVID-19 — hindi basta-basta lockdown lang.

"Once the quarantine is lifted, undetected COVID19-positive persons will simply resuscitate viral transmission, voiding any previous progress," wika niya.

"It becomes more pressing now for the Philippine government to pursue mass testing."

Kung susumahin, wala na raw ibang dapat ipatupad na policy direction ang Pilipinas maliban sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) na "test, trace" at "isolate" para maiwasan ang pangmatagalang krisis sa kalusugan at ekonomiya.

Basahin: 'Joblessness' sa Pilipinas pinakamataas sa 45.5% noong Hulyo — SWS

May kaugnayan: 'Recession': Ano 'yan at bakit dapat mabahala ngayong quarantine?

Kasalukuyang "record-high" at jobless at unemployment rates sa Pilipinas simula nang magpatupad ng mga lockdown at pagsasara ng mga establisyamiyento para maiwasan ang mas matinding hawaan sa Pilipinas.

Nasa ilalim din ng pinakamatinding "recession" ang ekonomiya, ang pinakamalala simila noong 1981.

Show comments