Isinasama na sa bill ng pasyente
MANILA, Philippines — Ibinuko ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go na may mga ospital na sobrang napakamahal kung maningil ng presyo ng gamot at may ilan na isinasama na ito sa kuwenta ng bayarin ng kanilang mga pasyente.
Ayon kay Sen. Go, nalungkot siya sa natuk-lasan niyang ito kaya sinabing paiimbestigahan ito sa Senado.
“May mga nababalita tayong ‘overcharging’ ng mga gamot sa mga ospital na isinasama na lang sa total bill ng mga pas-yente. Walang choice ang pasyente kundi bayaran ito upang magamot at makauwi. Nakalulungkot ito dahil sa oras na dapat magdamayan at magmalasakit tayo sa isa’t isa, may mga tao na pinipiling pagsamantalahan pa ang kapwa nilang Pilipino,” ang pahayag ni Go.
Bukod dito, sinabi ng senador na nalaman din niyang may mga gamot na mahirap hanapin at hindi naibebenta o naipamamahagi sa mga nangangailangan, lalo sa mahihirap, kung kaya may namamatay na lang dahil hindi makainom ng gamot.
Dahil dito, iginiit ni Sen. Go sa Department of Health (DOH) at sa Department of Trade and Industry (DTI) na tiyaking laging may nakahanda, may mabibili na murang mga gamot na kailangan ng mga Filipino lalo ngayong may krisis sa kalusugan na hatid ng COVID-19.
Ipinarerebyu niya sa DOH at DTI ang listahan ng mga gamot na kasama sa Executive Order 104 na nagpapataw ng Maximum Drug Retail Prices (MDRP) sa mga medisina batay sa Cheaper Medicines Act.