Kamara ibinasura ang ABS-CBN franchise renewal
MANILA, Philippines — Pormal nang ibinasura ng mga komite ng House of Representatives ang panukalang magpapanibago sana sa legislative franchise ng ABS-CBN, Biyernes.
Ang desisyon ay inilabas matapos bumoto ang 70 konggresista kontra rito, habang 11 lamang ang bumoto pabor dito. Nag-abstain naman ang isa at nag-inhibit ang dalawa.
Matatandaang napaso ang prangkisa ng ABS-CBN noong ika-4 ng Mayo, at ipinatigil ng National Telecommunications Commission (NTC) noong ika-5 ng Mayo.
Kahapon lang nang sabihin ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap na tinawagan siya ng isang emisaryo ng kumpanya para manuhol at bumoto pabor sa franchise renewal.
"May tumawag sa atin, nagpakilalang emisaryo ng ABS-CBN at hinihimok tayong bumoto pabor sa ABS-CBN kapalit ng P200 milyon," sabi ni Yap.
"Simple lang ang sagot ko, hindi for sale ang prinsipyo at boto ko."
Pinabulaanan na ng ABS-CBN ang paratang, at sinabing wala itong katotohanan: "We believe in the process and we have participated in the process. We answered all issues raised in the past 12 hearings."
Duda naman si dating Kabataan party-list Rep. at ex-Presidential Commission for the Urban Poor chairperson Terry Ridon sa mga akusasyon.
Kung totoo raw kasi na nanunuhol ang ABS-CBN sa mga mambabatas ay aabutin nang P4.6 bilyon para lang "mabayaran" ang mayorya ng mga nasa House Committee on Legislative Franchises.
"Will anyone sell a third of their company just to payoff a congressional committee? Probably not. To reach a majority of all members, P30.5-B," sabi ni Ridon.
"Pre, anong pinagsasabi mo?"
Antabayanan ang mga karagdagang detalye sa balitang ito
- Latest