Labi ng 282 OFWs sa Saudi pinauuwi sa Pinas

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello, binigyan ni Saudi King Salman ang Pilipinas ng 72-oras para ma-repatriate ang mga bangkay.
Edd Gumban, file

MANILA, Philippines — Nais ng Kingdom of Saudi Arabia na maibalik na sa Pilipinas ang mga labi ng nasa 282 overseas Filipino workers (OFWs) kabilang ang 50 na nasawi dahil sa coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello, binigyan ni Saudi King Salman ang Pilipinas ng 72-oras para ma-repatriate ang mga bangkay.

Dahil dito, tatlong chartered flights ang isasagawa ng Overseas Workers Welfare Admi­nistration (OWWA) para maiuwi sa bansa ang mga labi.

Samantala, tila ipinagkibit-balikat ni Bello ang ulat na may mga Pilipino sa Saudi na na­ngangalakal na ng mga basura sa paghahanap ng makakain at maibebentang bagay.

Sinabi ng kalihim na may mga Filipino community naman na tumutulong sa mga kababa­yan na nangangailangan at dapat sila umano ang magsabi kung totoong may nangangalakal na ng basura sa kanila.

Iniulat niya na uma­abot na sa 56,000 na mga OFWs buhat sa iba’t ibang bansa ang na-repatriate. May 17,000 pa ang inaasahang makakauwi ng Pilipinas ngayong katapusan ng buwan.

Nasa 277 OFWs mula sa North Africa ang inaasahan na dara­ting sa bansa ngayong Lunes. Galing ang mga OFWs sa Libya, Tunisia at Algeria at karamihan ay mga oil at health workers na nakatapos na ng kani-kanilang mga kontrata.

Kasama rin na dara­ting ang mga labi nina Herminia Sablay Estrada at Glenna Deza na kapwa nasawi dahil sa atake sa puso sa Libya.

Nasa 191,000 OFWs naman ang nagpas­yang manatili na lang sa kani-kanilang kinalalagyan partikular ang mga nasa Europa, America at Ca­nada.

Show comments