MANILA, Philippines — Dalawang lungsod sa silangang bahagi ng National Capital Region (NCR) ang namayagpag sa isang survey pagdating sa husay sa pagtugon sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic, ayon sa pag-aaral ng isang research group na inilabas, Martes.
Sa survey ng RLR Research and Analysis na ginawa mula ika-14 ng Mayo hanggang ika-2 ng Hunyo, nakakuha nang 97% satisfaction rating si Pasig City Mayor Vico Sotto habang 95% naman si Marikina City Mayor Marcy Teodoro pagdating sa kanilang tugon sa COVID crisis.
Isinagawa ang pag-aaral sa 17 lungsod at munisipalidad na bumubuo sa buong Metro Manila, na itinuturing ng Palasyo bilang "epicenter" ng virus.
"Results are based from satisfaction ratings of respondents residing in the respective cities and municipality that form the total sample size of... 1,275," sabi ng RLR Research and Analysis.
Sinasabing mayroong ± 2.7 error margin ang pag-aaral. Humihingi pa ng detalye ang PSN nang karagdagang detalye sa pag-aaral upang alamin kung commissioned survey ito o hindi.
Narito ang kabuuang talaan na inilabas ng grupo:
- Pasig Mayor Victor Ma. Regis "Vico" Sotto — (97%)
- Marikina Mayor Marcelino "Marcy" Teodoro — (95%)
- Pateros Mayor Miguel "Ike" Ponce III — (94%)
- Manila Mayor Francisco "Isko" Moreno Domagoso — (92%)
- Valenzuela Citry Mayor Rexlon "Rex" Gatchalian — (92%)
- Mandaluyong Mayor Carmelita "Menchie" Abalos — (90%)
- Muntinlupa Mayor Jaime "Jimmy" Frednedi — (84%)
- San Juan City Mayor Francisco Javier "Francis" Zamora — (83%)
- Caloocan Mayor Oscar "Oca" Malapitan — (82%)
- Taguig Mayor Lino Edgardo "Lino" Cayetano — (78%)
- Navotas Mayor Tobias "Toby" Tiangco — (70%)
- Paranaque City Mayor Edwin Olivarez — (70%)
- Makati Mayor Mar-len Abigail "Abby" Binay-Campos — (69%)
- Pasay Mayor Imelda "Emi" Calixto-Rubiano — (68%)
- Malabon City Mayor Antolin "Lenlen" Oreta III — (52%)
- Quezon City Mayor Maria Josefina Tanya "Joy" Belmonte-Alimurong — (47%)
- Las Pinas Mayor Imelda "Mel" Aguilar — (46%)
Pasig City Mayor Vico Sotto gets the highest satisfaction rating among all Metro Manila local government leaders when it comes to response amid the COVID-19 pandemic, according to a survey conducted by RLR Research and Analysis. pic.twitter.com/bC41RkchRn
— ONE News PH (@onenewsph) June 17, 2020
Una nang umani ng papuri ang pagsusumikap ng Pasig at Marikina pagdating sa pagtugon sa COVID-19.
Ilan na rito ang "mobile palengke" nina Sotto kontra mass gathering sa mga talipapa at pamimigay ng ayuda a jeepney drivers na nawalan ng trabaho habang lockdown.
Bagama't birthday ngayon ng Pasig mayor, pinaalalahanan din ni Sotto ang mga nagpa-planong manorpresa sa kanya ala-"mañanita" na 'wag na itong gawin, dahil baka magkahawaan pa ng COVID-19. Hinikayat na lang niyang mamigay ng grocery packs para sa mga nangangailangan ang mga gustong magregalo sa kanya.
Nakipagkasundo rin si Sotto sa isang food delivery company nitong Mayo para mabigyan ng trabaho ang mahigit 500 tricycle drivers na walang kinikita noong lockdown.
Ika-30 ng Abril naman nang aprubahan nang aprubahan ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang molecular diagnostic laboratory ng Marikina, na pinakauna sa lahat ng mga local government units sa Pilipinas.
Marikina rin ang nagtala ng may pinakamababang transmission ng COVID-19 sa lahat ng lungsod sa Metro Manila, habang nagtalaga din sa lungsod ng mga "nagsasalita" at lumilipad na drone na kumukuha ng temperatura ng mga residente.
Bagama't sinasabing nasa Metro Manila ang "epicenter" ng nakamamatay na virus, Cebu City sa Visayas ang may pinakamalaking bilang ng COVID-19 sa buong Pilipinas sa bilang na 2,905 noong Martes.
Umabot na sa 27,238 ang tinatamaan ng kinatatakutang sakit sa bansa, ayon sa huling datos ng Department of Health (DOH). Sa bilang na 'yan, 1,108 na ang namamatay. — may mga ulat mula sa ONE News