MANILA, Philippines — Ipinalabas na kahapon ang guidelines para sa pagpapatuloy ng construction sa mga lugar na sakop ng enhanced community quarantine (ECQ) at general community quarantine.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inamyendahan ang Item O, Paragraph 4, Section 2 ng Omnibus Guidelines ng “Implementation of Community Quarantine in the Philippines” na nagsasabi na pupuwede nang matuloy ang mga proyektong imprastruktura sa lugar na may ECQ.
Kabilang sa panuntunan na dapat patirahin sa maayos na quarters ang mga empleyado; Kung walang matutulugan na quarters, magsasagawa ng prior deployment procedures sa bawat re-entry.
Iwasan o bawasan ang mga kailangang gawin sa labas ng construction site. Kailangan din na araw-araw na idi-disinfect ang mga field offices, employee’s quarters at iba pang mga common areas.
Para sa mga concessionaires, contractors, sub-contractors at suppliers, magbigay nang sapat na pagkain, malinis na inuming tubig, disinfectants at sabon sa kamay para sa kanilang mga in-house personnel. Araw-araw na pag-monitor ng pre-at post- health work condition ng mga trabahador kagaya ng pagkukuha ng temperatura.
Para sa mga government construction projects, ang mga safety officers ay kailangang gumawa ng daily health monitoring report at isailalim sa strict daily monitoring para siguraduhin na nakakasunod ang safety standards at quarantine protocols.
Pinagbabawal ang pagpasok ng mga non-essential personnel at bisita sa construction site, employee’s quarters at field offices.
Ang pagtitipon, alak at merry-making ay mahigpit na ipinagbabawal sa construction site.