MANILA, Philippines — Posibleng mapauwi ng Pilipinas ang isang Pinay caregiver sa Taiwan dahil sa umano’y “hate posts” nito kay Pangulong Rodrigo Duterte sa social media.
Kinilala ni Labor Attache Fidel Macauyag, ang caregiver na si Elanel Ordidor.
Sinabi ni Macauyag, binisita na nila si Ordidor noong Abril 20 sa Yunin County at pinaliwanag ang tungkol sa kanyang mga post sa Facebook kung saan maaari siyang makasuhan sa Taiwan at Pilipinas.
Matapos nito ay nangako naman umano ang caregiver na aalisin na ang uploaded videos laban kay Pangulong Duterte.
Subalit makalipas ang ilang oras ay may mga post ulit sa Facebook account ng POLO Taichung na nagpapahayag ng suporta kay Ordidor.
Ayon kay Macauyag, gumagamit ng ibang accounts si Ordidor at nagbuo pa ng grupo para siraan ang Pangulo.
Layon din umano ng mga post ni Ordidor na maghasik ng galit sa gitna ng krisis dulot ng pandemic.
Dahil dito kaya kinausap na umano niya ang amo ni Ordidor at ipinaliwanag ang nilalabag ng caregiver na Republic Act 10175 (Cyber Crime Act).
“We are constrained to act for the deportation of a Filipina working as caregiver in Taiwan for the crime of cyber libel for willful posting of nasty and malevolent materials against President Duterte on Facebook intended to cause hatred amidst the global health crisis brought about by the COVID-19 pandemic,” ayon sa Department of Labor and Employment.