Kahit 'di pa aprubado ng DOH, Marikina bubuksan ang COVID-19 testing center

Kuha ni Marikina Mayor Marcy Teodoro habang ini-interview tungkol sa COVID-19 testing center noong Marso.
Released/Marikina PIO

MANILA, Philippines — Para agad makapagserbisyo sa sinasakupan, desidido ang pamahalaang lungsod ng Marikina na buksan ang kanilang coronavirus disease (COVID-19) testing center ngayong linggo kahit 'di pa tuluyang naaaprubahan ng Department of Health.

Hindi raw takot makasuhan si Marikina City Mayor Marcy Teodoro mabuksan lang ang bagong tayong laboratoryo sa Biyernes, na kailangan na raw ng kanyang mga constituents.

"Willing kami kung ano man ang legal case o meron silang kaso na ibibigay sa amin," ani Teodoro sa mga reporters, Martes.

"But we will, at this point, invoke our local autonomy and health services to the whole function."

Marso nang harangan ng DOH ang pagbubukas ng Marikina testing facility matapos mapag-alamang inilagay ito sa ika-anim na palapag ng city hall, bagay na mapanganib daw sabi ni Health Secretary Francisco Duque III.

Agad na nagtayo nang panibagong COVID-19 testing center ang Marikina bilang tugon sa reklamo ng health department. Ngunit ayon sa ulat ng GMA News, hindi sumipot ang DOH team na dapat mag-iinspect dito kahapon.

Sa pagkakataong ito, inilagay ang laboratoryo sa isang two-storey building sa Bayan-Bayanan Avenue sa baranggay Concepcion Uno.

Una nang sinabi ng DOH na maaari nila itong itayo sa Amang Rodriguez Hospital sa parehong lungsod ngunit wala na raw libreng espasyo doon para i-house ang testing facility.

Pagtugon sa tungkulin

Dagdag ni Teodoro, gagawin nila ang pagbubukas ng testing facility alinsunod na rin sa Section 15 ng Local Government Code, na tumatalakay sa "general welfare clause."

"[M]aaari kaming gumawa nang naaayon sa hinihingi ng pagkakataon. We could excercise the necessary, incidental and appropriate powers in order to promote, to ensure effective governance in the promotion of public health," sabi pa ng alkalde.

Umabot na sa 59 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Lungsod ng Marikina, habang 14 sa bilang na 'yan ang namatay na. Nasa anim naman ang kumpirmadong gumaling na roon.

Nakapasok na ang COVID-19 sa halos lahat ng baranggay sa Marikina, maliban na lang sa Sto. Niño at Tumana, ayon sa kanilang public information office kagabi.

 

 

Depensa pa ng Marikina mayor, sumusunod lang sila sa mga alituntunin na inilatag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng Proclamation 922, na nagdedeklara ng "state of public health emergency" sa buong Pilipinas.

"[P]upuwede naming i-manage effectively and efficiently all the resources we have, exercise all the authorities necessary in order to effectively combat the spread of coronavirus," wika pa niya.

Umabot na sa 4,932 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas simula nang makapasok ng bansa ang virus. Sa bilang na 'yan, 315 na ang namamatay.

Show comments