MANILA, Philippines — Nailipat na kahapon sa Asian Hospital sa Muntinlupa City si PNP Director for Comptrollership Major General Jose Maria “Jovic” Ramos na nananatiling nasa maselan pang kondisyon.
Sinabi ito kahapon ni PNP Deputy Chief for Administration Police Gen. Camilo “Picoy “Cascolan, nang magtungo sa Asian Hospital upang alamin ang kalagayan ni Ramos.
Ani Cascolan, nailipat si Ramos mula sa UniHealth Southwoods Hospital sa Biñan, Laguna patungo sa Asian Hospital pasado alas 8:00 ng umaga kahapon.
Nagawang mailipat umano si Ramos nang gumanda-ganda ang kondisyon nito, ayon sa hospital administrator ng UniHealth.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nananatiling comatose si Ramos.
Nabatid na nawalan ng pulso si Ramos bandang alas-4 ng hapon kaya na-flash sa mga radio na binawian na ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Gayunman, ilang minuto matapos ito ay biglang dumilat ang heneral at patuloy na lumalaban.
Samantala, nananatili ding inoobserbahan sa nasabing pagamutan si P/Major General Mariel Magaway, PNP Director for Intelligence.
Sina Ramos at Magaway ay kabilang sa pitong kasama ni PNP Chief Gen. Archie Gamboa na sakay ng Bell 429 helicopter na bumagsak sa San Pedro, Laguna nitong Huwebes ng umaga.
Si Gamboa ay una nang lumabas sa St. Lukes Hospital sa Global City nitong Biyernes ng gabi.