Kudeta vs Cayetano itinanggi ni Velasco
MANILA, Philippines — Mariing itinanggi ni Marinduque Rep. Lord Velasco na nagpaplano na siya ng kudeta laban kay House Speaker Alan Peter Cayetano at paggamit sa ilang isyu tulad ng pambansang pondo at sa franchise ng ABS-CBN.
Ayon kay Velasco, malayo sa katotohanan ang balitang ito dahil patuloy niyang iginagalang ang hatian sa termino ng pagka-Speaker sa kanilang dalawa ni Cayetano na nauna na nilang napagkasunduan sa harap ni Pangulong Duterte.
Wala rin umano siyang balak na sirain ang kasunduan dahil siya ay lalaking may isang salita.
Naniniwala naman si Velasco na pinapalutang lamang ito para lumikha ng dibisyon o mahati lalo ang mga kongresista.
Giit pa ni Velasco, ang isyu ay sigurado na gawa ng isang taong may pansariling interes na layong buwagin ang samahan ng mga mambabatas, magambala at magulo ang mga kongresista sa pagtupad sa kanilang mandato at madiskaril ang isinusulong na legislative agenda ni Pangulong Duterte.
Ang reaksyon niya ay kaugnay sa pahayag ni Cayetano at ng isang source na may pinaplanong kudeta si Velasco at ginagamit lang ang isyu ng pambansang pondo at ABS-CBN franchise.
- Latest