Espenido nasa narco list?
MANILA, Philippines — Kabilang umano si Police Lt. Col. Jovie Espenido sa 357 narco cops na pinaiimbestigahan ni PNP Chief General Archie Gamboa.
Ayon sa source sa Camp Crame, nitong nakaraang Biyernes nang pulungin ni Gamboa ang 357 narco cops na nasa drug watchlist ni Pangulong Duterte ay lumutang dito si Espenido na naging usap-usapan na siya man ay sangkot sa pagpapakalat ng iligal na droga sa bansa.
Una nang sinibak ni Gamboa bilang hepe ng Bacolod City Police si Espenido at nalagay sa floating status.
Si Espenido ang opisyal na nanguna sa pagsalakay sa tahanan ni dating Ozamis City mayor Reynaldo Parohinog na naging sanhi ng kamatayan ng alkalde, gayundin sa pagkamatay ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.
Sinabi naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ngayon lamang nito nalaman ang ulat kaya’t tatanungin nito si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil dito.
Aniya, kukumpirmahin nila kung talagang kasama sa narco-list ang pangalan ng opisyal na kinatakutan ng maraming drug syndicate sa Visayas at Mindanao.
Unang lumabas ang report tungkol kay Espenido sa Rappler kaya sinabi ni Panelo na kuwestiyonable ito dahil kilala aniya ang online news agency sa fake news.
- Latest