Mga Pinoy nababahala Illegal Chinese sa bansa dumarami
MANILA, Philippines — Naalarma na ang karamihan ng mga Pilipino sa patuloy na pagdami ng bilang ng mga manggagawang Chinese sa bansa, lalo na’t nasasangkot ang mga ito sa mga krimen nitong mga nakalipas na buwan.
Ang pinakahuling naiulat ay ang tangkang pagdukot sa isang 18-anyos na Pinay ng anim na kalalakihang Chinese sa lungsod ng Makati nitong nakaraang linggo.
Gayundin, sa isang pag-aaral na ginawa ng Social Weather Stations (SWS) noong Setyembre 27-30, 2019, nasa 70% ng mga Pilipino edad 18 pataas ang nababahala sa pagdami ng Chinese na nagtratrabaho sa bansa.
Sa ulat na inilabas ng Department of Tourism (DOT) noong Hunyo, 2019 umabot ng 139,177 turistang Chinese ang pumasok sa Pilipinas noong Abril, 2019 na siyang nangunguna sa listahan ng mga dayuhang dumalaw ng bansa.
At marami sa mga nasabing dayuhan ay nagtatrabaho sa iba’t ibang negosyo rito, kabilang na ang mga kontrobersyal na Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Dahil dito, iginiit ni Sen. Grace Poe na dapat maging mahigpit ang Department of Labor and Employment (DOLE) gayundin ang Bureau of Immigration (BI) sa pag-iisyu ng visa dahil maraming Chinese ang pumapasok sa bansa bilang turista ngunit magtatrabaho pala.
Katulad na lang ng natuklasan sa pagdinig sa Senado noong 2018 na siyam sa 10 illegal foreign workers sa Pilipinas ay nagmula sa China.
Base naman sa impormasyong nakuha ni Sen. Joel Villanueva, base mula sa National Bureau of Investigation (NBI), 95 porsiyentong dayuhang naaaresto ay mga Chinese national.
- Latest