MANILA, Philippines —Inaasahan ng mga dalubhasa ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na kumalma na nang tuluyan ang Bulkang Taal sa Batangas.
Ito, ayon sa Phivolcs, ay dahil sa patuloy na pagbaba ng mga aktibidad na naitatala sa naturang bulkan.
Sa nakalipas na 24 oras habang isinusulat ito, nakapagtala lamang ng 153 tonelada ng asupre na nailuwa ng naturang bulkan mula sa dating 344 tonelada kada araw.
Pinakamaraming nailuwang asupre ang bulkan nang sumabog ito noong Enero 12 na nagluwa ng 5,299 tonelada ng asupre.
Kaugnay nito, nakapagtala lamang ang bulkan ng 6 volcanic earthquakes na hindi naman naramdaman ng mga tao.
Samantala, naitala naman ng Taal Volcano Network ang kabuuang 481 volcanic earthquakes kasama na dito ang walong low-frequency sa nakalipas na 24 oras.
Gayunman, nananatili pa ring ipinaiiral ng Phivolcs ang Alert Level 4 status sa paligid ng Bulkang Taal dahil sa patuloy na pagkakaroon ng magmatic intrusion sa paanan ng bulkan na indikasyon na posible pa ring may maganap na malakas na pagsabog sa bulkan.
Sakaling magkaroon ng malakas na pagsabog ang bulkan, ang iluluwa nitong abo ay dadalhin ng hangin pa timog kanluran mula sa main crater ng bulkan partikular sa Laguna.