Total ban sa Kuwait aprubado na ni Digong

MANILA, Philippines — Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panawagan ng Labor department na ipatupad ang total ban sa pagpapadala ng mga overseas Filipino workers sa Kuwait.

Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, nais ng Pangulo na magkaroon ng total ban hangga’t hindi tuluyang naipatutupad ang memorandum of agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait at lahat ng mga napagkasunduan sa mga labor contract ng mga OFWs.

Kabilang din sa nais ipatigil ang pagpapadala ng mga skilled workers hanggat hindi sumusunod ang Kuwait sa mga probisyon ng kasunduan na binuo noong 2018.

“(President Duterte) is for a total ban until the memorandum of agreement between the two countries is fully implemented and the terms contained therein are incorporated in every labor contract with our OFWs,” sabi ni Panelo.

Sinabi rin ni Panelo na tinangka ng gobyerno ng Kuwait na itago ang totoong nangyari sa pagkamatay ni Jeanelyn Villavende.

Base sa autopsy na isinagawa ng National Bureau of Investigation nakaranas ng sexual abuse si Villavende.

Nauna rito, iginiit ni Sen. Sherwin Gatchalian na dapat nang maghanap ang gobyerno ng ibang merkado para sa mga OFWs kung saan mas binigyan sila ng halaga.

Kabilang sa tinukoy ni Gatchalian ang United Kingdom, France at iba pang bansa sa Europe.

Show comments