MANILA, Philippines — Nakatakdang magbigay ng $100,000 (humigit-kumulang P5 million) halaga ng donasyon ang Philippine Red Cross sa bansang Australia kaugnay ng mga nangyaring sunog doon.
Ibinunsod ang bushfires ng record-breaking na init at ilang buwang tagtuyot, dahilan para mawalan ng bahay ang ilang resident at masunog ang mahigit-kumulang bilyong hayop.
Ayon kay PRC chairman at Sen. Richard Gordon, hindi ito ang unang beses na nagbigay sila ng ayuda sa banyagang bansa.
"Magbibigay tayo ng $100,000 sa Australian Red Cross. At least meron tayong kusang loob," sabi niya sa Inggles sa isang press conference.
"Dati sa Japan nag-donate tayo ng $2.4 milyon noong 2011 nang tamaan sila ng tsunami."
Una nang ibinalita ng embahada ng Pilipinas sa Canberra na limang Pilipino ang nawalan ng bahay sa Australia dahil sa insidente, habang 300 iba pa ang inilikas.
Umani naman ng papuri ang Kapamilya star na si Joshua Garcia kamakailan matapos mag-pledge ng $500, o P25,000, para sa fundraiser ng nobya ni Paulo Avelino kaugnay ng wildlife.
Inudyok naman ng Kalikasan People’s Network for the Environment si Pangulong Rodrigo Duterte na agad kumilos sa gitna ng "climate emergency."
"Hindi na maaaring ilagay sa political back burner ng ating world leaders, gaya ni Presidente Rodrigo Duterte, ang climate emergency," sabi ni Leon Dilce, national coordinator ng Kalikasan PNE.
"Literal na masusunod ang ating mundo, tulad ng nakita natin sa Australia, kung hindi tayo kikilos ngayon." — James Relativo at may mga ulat mula sa News5