Samuel Gaerlan bagong associate justice ng Korte Suprema

Si Gaerlan ang kukumpleto sa 15 miyembro ng Korte Suprema. Kukunin niya ang associate justice seat ng kasalukuyang Chief Justice Diosdado Peralta.
File photo

MANILA, Philippines — Hinirang na bilang panibagong associate justice ng Korte Suprema ni Pangulong Rodrigo Duterte si Court of Appeals Justice Samuel Gaerlan.

Ang balita ay kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra, isang ex-officio member ng Judicial and Bar Council, sa isang mensahe sa mga reporter.

"Manunumpa siya ngayong araw," dagdag ni Guevarra.

Pinatunayan din ang balita ng inilabas na appointment paper ng Malacañang ngayong Miyerkules.

"Alinsunod sa mga probisyon ng mga umiiral na batas, itinatalaga ka bilang ASSOCIATE JUSTICE NG SUPREME COURT OF THE PHILIPPINES," sabi ng kanyang liham na ipinadala sa kanya sa Inggles.

Si Gaerlan ang kukumpleto sa 15 miyembro ng Korte Suprema. Kukunin niya ang associate justice seat ng kasalukuyang Chief Justice Diosdado Peralta.

Nagtapos siya sa San Beda College gaya ng presidente at na-admit sa Philippine Bar noong 1984.

Humarap si Gaerlan sa JBC panel noong ika-6 ng Setyembre, 2019 kung saan sinabi niyang dadalhin niya ang kanyang "integridad at independensiya" sa Kataas-Taasang Hukuman. — James Relativo at may mga ulat mula Kay Kristine Joy Patag at News5

Show comments