MANILA, Philippines — Patunay ang 80% ‘trust rating’ ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa huling ‘survey’ ng Pulse Asia sa “patuloy, masigla at marubdob na tiwala ng mga Pilipino sa Kamara at nagkakaisang pamunuan nito.” Ang 60% ‘trust rating’ ni Cayetano ngayong Disyembre ay 16% na higit na mataas sa 64% na natamo niya noong nakaraang Setyembre.
Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, House Ways and Means Committee chairman, ang rating ni Cayetano at ng Kamara na kapwa patuloy na tumataas, gaya ng sa iba pang survey, ay sadyang pahiwatig ng pagpapahalaga ng publiko sa pamunuan ng Kamara at mga kasapi nito.
Kasama sa mga nagawa nila, dagdag niya, ang pagpapatibay sa 2020 General Appropriations Act, at iba pang mga reporma sa pananalapi gaya ng ‘Alcohol and Vape tax, Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA), Passive Income and Financial Intermediary Tax Act (PIFITA) and Retail Trade Liberalization Act.’
Bukod sa mga nagawa na nila, sinabi ni Salceda na gumagawa rin sila ng mga hakbang upang lalong mapahusay ang ‘tax administration’ ng BIR at Customs.
Pinakaprayoridad ng Kamara sa 2020 ay maipasa ang CITIRA.
Dahil sa mga ito at sa ilalim ng pamumuno ni Cayetano, sabi ni Salceda, ang ‘House of Representatives’ ay kilala na ring ‘House for Reforms.’
“Bilang pinagkatiwalaang tagapamuno sa House Ways and Means Committee, karangalan ko rin ang maupo sa ‘driver’s seat’ ng ‘rocket ship of reforms’ para sa mga Pilipino,” dagdag niya.