^

Bansa

'Halimaw sa cauldron' effigy ipaparada sa International Human Rights Day protest

James Relativo - Philstar.com
'Halimaw sa cauldron' effigy ipaparada sa International Human Rights Day protest
Kapansin-pansin na nilaro nito ang konsepto ng pelikulang "Halimaw sa Banga" (1986) at kontrobersiyal na P55 milyong cauldron na ginamit sa 2019 Southeast Asian Games.
Released/UGATLahi Artist Collective

MANILA, Philippines — Isang araw bago ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, ipinasilip ng ilang progresibong grupo ang dadalhing effigy sa gaganaping malawakang protesta bukas, na pagsisiwalat sa "lumalalang human rights situation ng Pilipinas."

Nilikha ng grupong UGATLahi Artist Collective, layon daw nilang ipakita ang ginagawa ng "pasista, tiwali at kontra-mamamayang gobyerno."

Kapansin-pansin na nilaro nito ang konsepto ng pelikulang "Halimaw sa Banga" (1986) at kontrobersiyal na P55-milyong cauldron na ginamit sa 2019 Southeast Asian Games.

"Ipinakikita ni Duterte bilang 'halimaw sa cauldron' ang pagkabulok ng ekonomiya at pulitika ng lipunang Pilipino, na siyang nagluluwal ng mga mapang-api, mamamatay-tao at mandarambong," paliwanag ni Reylan Vergara, vice chairperson ng Karapatan, sa Inggles.

Meron din itong dalawang dalawang dambulahang kamay, na nagpapakita raw ng kanyang kamay sa likod ng mga nagaganap sa bansa.

Isa sa mga ito ay pangalmot ng ibon — na ginagamit daw upang tanggalan ng karapatang pantao ang mga kritiko't biktima ng "war on drugs."

Ang isa pang kamay ay ang nakakuyom na kamao ni Duterte, na prumoprotekta lang daw sa kanyang mga kaalyado, kaibigan, Tsina, Amerika atbp.

"Habang kinakasangkapan niya ang lahat ng makinarya ng estado para panatilihin ang mala-kolonyal at mala-piyudal na krisis sa ngalan ng kita... inaatake ang karapatan ng taumbayan," dagdag ni Vergara.

Gaganapin ang mga protesta bukas, ika-10 ng Disyembre, sa Liwasang Bonifacio at Mendiola sa Maynila.

Pilipinas mainit sa mata ng international community

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang sabihin ni International Criminal Court prosecutor Fatou Bensouda na isinapipinal nila ang kanilang preliminary examination sa mga diumano'y extrajudicial killings ni Duterte sa 2020.

Gayunpaman, kwinestyon ito ng Palasyo sa isang pahayag kahapon.

"Kahit na maglabas sila [ICC] ng warrant, sinong magpapatupad niyan?" ani Panelo sa isang panayam sa radyo.

"Hindi 'yan simple. Una, kailangang makagawa ng preliminary examination tapos kailangan nilang malaman kung may jurisdiction sila. Pangalawa, may preliminary investigation para malaman kung may probable cause. Kung meron, magkakaroon ng paglilitis... 'yan ay kung saklaw tayo. Pero wala, sa pagkakaalam natin."

Una nang sinabi ng Palasyo na hindi saklaw ng Rome Statue, ang tratadong bumuo sa ICC, ang Pilipinas dahil hindi raw ito inilimbag sa Official Gazette.

Sa kabila nito, pormal na umalis ng ICC ang Pilipinas noong Marso 2019.

Pebrero noong 2018 nang aminin niyang isa siyang diktador, na tumutugma sa bansag sa kanya ng mga kritiko.

"Oo, totoo. Diktador ako. Kailangan kong maging diktador para sa ikabubuti ng bansa," wika ni Digong.

Aniya, kailangan daw ang kamay na bakal para sugpuin ang iligal na droga at korapsyon.

Disyembre taong 2018 nang sabihin ng Commission on Human Rights na maaaring umabot na sa 27,000 ang namamatay sa kampanya kontra droga.

Kontrobersya sa 2019 SEA Games

Maliban sa isyu ng karapatang pantao, gagamitin ding ng mga militante bukas ang pagkakataon para birahin ang "overall incompetence" at "korapsyon" sa pag-aasikaso ng nagaganap na SEA Games.

"Nakita natin kung paanong inuna ng rehimen ang makasariling ganansya, kasya gawin ang primarya niyang responsibilidad," patuloy ng Karapatan.

"Ang pagsama ng cauldron sa effigy ngayong taon ay hindi lang sampal sa mukha ng pagka-korap ng gobyerno, ngunit pagpapakita na rin ng pag-itsapwera sa kapakanan ng tao sa kabuuan."

Una nang sinabi ni Sen. Franklin Drilon na maaaring nakapagpatayo na ng 50 bagong silid-aralan para sa mga estudyante ang perang ipinangtayo ng cauldron, na sinindihan para sa mga seremonyas ng palaro.

Inireklamo rin ng mga dayuhan at lokal na atleta ang organizers ng SEA Games dahil sa mga dinanas na problema sa transportasyon, tutuluyang hotel at pagkain.

Ilang araw bago magsimula ang mga palaro, lumabas din ang mga litrato ng mga venue na tinatapos pa lang gawin.

Noong ika-4 ng Disyembre, sinabi ng Sandugo, isang alyansa ng mga Moro at katutubo, na naglabas ng pitong araw na "eviction notice" ang Bases Conversion and Development Authority laban sa mga nakatirang Aeta sa New Clark City, na siya ring pinagtayuan ng mga pasilidad ng SEA Games.

 

"Nais po naming ipabatid sa inyo na ang lupain na kasalukuyang kinatitirikan ng inyong bahay/istruktura o sinasaka niyo sa Barangay Aranguren, Capas, Tarlac ay pagmamay-ari ng pamahalaan na nasa ilalim ng pangagasiwa ng [BCDA] ayon sa Batas Republika Bilang 7227," sabi ng dokumento.

"Dahil po dito at bilang makataong pakikitungo, kayo po ay binibigyan ng pitong (7) araw na paglugit, simula sa araw ng pagkatanggap ng liham na ito, upang makipag-ugnayan sa aming opisina at isumete sa BCDA ang mga nararapat na dokumento at gayundin ay boluntaryo o kusang-loob na lisanin ang nasabing lugar at baklasin ang anumang istruktura na itinayo ninyo dito, kung meron man, upang magbigay daan sa gagawin at agarang pagpapatupad ng nasabing proyekto ng gobyerno."

Ayon kay Casamira Maniego, pinuno ng Asosyason ng Katutubong Mahawang in Capas, na nasa 500 pamilyang Aeta ang mapapaalis.

Gayunpaman, itinanggi ng BCDA na magsasagawa sila ng sapilitang demolisyon sa New Clark City.

"Ang seven-day notice na inilabas ng [BCDA] ay standard follow-up letter lang na ipinadala sa lahat ng claimants na tumanggi sa tulong pinansyal na inalok ng gobyerno," sabi nila.

"Walang target na komunidad ng Aeta. Ang notice ay ibinigay sa lahat ng claimants para ipabatid sa kanila ang pangangailangan na itayo ang access road mula New Clark City hanggang Clark International Airport sa bansa."

CAULDRON

EXTRAJUDICIAL KILLINGS

KARAPATAN

RODRIGO DUTERTE

UGATLAHI ARTIST COLLECTIVE

WAR ON DRUGS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with