MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa daang kabahayan sa palibot ng Mount Apo ang natabunan sa pagtama ng landslide habang nagbagsakan rin ng malalaking tipak na bato sa magnitude 6.5 na lindol na tumama partikular na sa Central at Eastern Mindanao nitong Huwebes, ayon sa ulat kahapon.
Ang Mount Apo na may taas na 2,954 metro mula sa sea level ang pinakamataas na bundok sa Pilipinas na matatagpuan sa pagitan ng Davao City at Davao del Sur sa Region 11 at Cotabato sa Region 12.
Sa ulat ng OCD 12 at 11, nagsipagpanik ang grupo ng mga mountaineers nang abutan sila ng malakas na lindol habang nasa summit ng Mount Apo kamakalawa
Ang mga ito ay nakarinig ng malakas na ugong kung saan may mga narinig pa ang mga itong tila pagsabog at malakas na pag-uga ng lupa bandang alas-9:00 ng umaga.
Ang 6.5 magnitude na lindol ay ikatlong malakas na lindol na tumama sa Mindanao simula noong Oktubre 16 na ikinasawi ng 23 katao habang mahigit naman sa 600 ang nasugatan.
Samantala, sa panibagong lindol na nasa 5.5 na tumama naman sa Sarangani, Davao Occidental kahapon dakong alas-10:30 ng umaga ay naapektuhan nito ang katubigan ng nasabing lugar bagaman wala naman itong matinding pinsala.
Kaugnay nito, naka-standby na ang mga barko ng Philippine Navy para maghatid ng relief goods sa mga nasalanta ng tatlong malalakas na lindol sa Mindanao.