^

Bansa

FPIC huwag ibigay sa China-backed Kaliwa dam, pakiusap ng grupo sa NCIP

Philstar.com
FPIC huwag ibigay sa China-backed Kaliwa dam, pakiusap ng grupo sa NCIP
Kuha ng mga residente ng Sitio Queborosa sa Infanta, Quezon sa kahabaan ng Kaliwa River, kung saan nakatakdang itayo ang kontrobersyal na dam.
Philstar.com/Efigenio Toledo IV

MANILA, Philippines — Hinamon ng ilang kinatawan ng Kamara ang National Commission on Indigenous People na manindigan kasama ng mga Dumagat sa pagharang sa konstruksyon ng Kaliwa dam, bagay na dudurog daw sa bahay at kabuhayan ng mga katutubo.

Giit ng Bayan Muna party-list, 5,173 kabahayan sa 11 baranggay at isang sitio sa Tanay, Rizal at Gen. Nakar ang "direktang" tatamaan ng pagtatayo ng dam.

"Marami sa mga pamilyang maapektuhan ay mga Dumagat at ang tindig ng NCIP ay magiging sukatan kung talagang ipinagtatanggol nito ang mga komunidad, kabuhayan at tirahan ng mga katutubo," ani Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat, na isang lider Manobo.

"Nasaan ang NCIP ngayon sa usapin ng Kaliwa dam?"

Usapin ng FPIC

Ang New Centennial Water Source—Kaliwa Project, na nagkakahalaga ng $231.59 milyon, ay popondohan ng $211.21 milyong utang mula sa Tsina, ayon sa Department of Finance.

Matatandaang iginawad ng Department of Environment and Natural Resources ang Environmental Compliance Certificate para sa proyekto, dahilan para lumapit ang napipintong pagtatayo ng dam.

Pero bago ito maitayo sa lupang ninuno ng mga katutubo, kakailanganin munang makuha ang "free and prior informed consent."

Ayon sa website ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System, nakumpleto na ang proseso ng FPIC sa:

Quezon

  • Unang IP Community Assembly — nakumpleto noong ika-18 ng Abril 2019
  • Ikalawang IP Community Assembly — nakumpleto noong ika-18 ng Mayo 2019
  • Ikatlong IP Community Assembly — nakumpleto noong ika-18 ng Agosto 2019

Wala pang nakalagay na petsa tungkol sa ikaapat na asembliya at consensus building.

Para sa mga komunidad sa Rizal, nakatakda itong mangyari noong ika-5, ika-12 at ika-18 ng Setyembre ngunit hindi pa nakalagay sa website kung nakumpleto na ito.

Pero inirehistro nina Cullamat ang kanilang pagtutol sa paggagawad ng FPIC.

"Hindi dapat pirmahan ng  NCIP ang Free Prior and Informed Consent (FPIC) o anumang mga documentong magpapahintulot sa pagsira sa tirahan at kalikasan sa pagtatayo ng Kaliwa dam," sabi ng lider katutubo.

Ang katatapos lang na pagggagawa ng ECC sa proyekto, sa taya ng Bayan Muna, ay pagpapakita raw na resolbado ang gobyerno na itayo ang Kaliwa dam kahit na "nasa ibabaw ito ng fault line," makapagpapaalis sa mga katutubo at "makasisira ng libu-libong ektarya ng watershed areas."

Ayon naman kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, marami pang ibang mapagpipiliang lugar na mapagkukunan ng tubig para sa Metro Manila.

Ilan sa mga iminungkahi nilang option ay ang rehabilitasyon ng Wawa dam.

Bilang pagbusisi sa utang sa Tsina na "labis na ikalulugi ng Pilipinas," inihain na raw nila sa Kamara sa House Resolution 15.

"Umaasa kaming magsche-schedule ng pagdinig ang Kamara para mapakinggan ang tinig ng mga Dumagat at iba pang sektor na maaapektuhan," panapos ni Zarate.

DUMAGAT

FREE AND PRIOR INFORMED CONSENT

INDIGENOUS PEOPLES

KALIWA DAM

NATIONAL COMMISSION ON INDIGENOUS PEOPLE

QUEZON

RIZAL

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with