3 pwesto sa '2019 Best Islands in Asia' nasungkit ng Pilipinas

Sa listahan ng Condé Nast Traveler, nangibabaw bilang pinakamagandang isla sa Asya ang Boracay para sa taong 2019.
File

MANILA, Philippines — Kasama sa "30 pinakamagagandang isla sa mundo" para sa taong kasalukuyan ang ilang tourist destinations sa Pilipinas, ayon sa inilabas na listahan ng isang international travel magazine kahapon.

Sa listahan ng Condé Nast Traveler, nangibabaw bilang pinakamagandang isla sa Asya ang Boracay para sa taong 2019.

Isinalarawan ito na may mga "banayad na babaying-dagat na tila nilikha para sa 'Instagram sunsets,'" ayon sa publikasyon sa Inggles.

"Ang 'main draw' ng Boracay ay ang White Beach nito, na may puting mala-pulbos na buhangin at mabababaw na luntiang tubig na mainam sa paglangoy at snorkeling," dagdag nila.

Nakuha ng Boracay ang pwesto kahit na ipinasara ito ng anim na buwan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa "rehabilitasyon" noong Abril ng 2018. 

Binuksan naman itong muli noong Oktubre ng parehong taon.

Sinundan naman ng "Cebu and Visayas Islands" ang Boracay—na isa ring isla sa Visayas—sa ikalawang posisyon.

"Matatagpuan sa kalagitnaan ng Pilipinas, humahakot ng mahigit 2 milyong bisita ang Cebu taun-taon dahil sa malilinis na dalampasigan sa hilagang bahagi ng isla," ayon sa Condé Nast Traveler.

Nasa ikaapat na pwesto naman ang Palawan, na tahanan ng Puerto Princesa Subterranean River, isang UNESCO World Heritage Site.

Kapansin-pansin naman na wala sa Top 5 ng Asya ang numero uno sa kontinente noong 2018 na Siargao.

Pasok din sa Top 5 ang Penang ng Malaysia sa ikatlong pwesto habang nasa ika-limang pwesto naman ang Bali, Indonesia.

Show comments