Pulse Asia: Trust, approval ratings nina Duterte, Robredo lumusong pababa

Mula sa 85% na trust rating ni Pangulong Duterte noong Hunyo, nasa 74% na lang ito pagsapit ng Setyembre — 11-puntos na pagbaba.
File

MANILA, Philippines — Parehong nabawasan ang trust at approval ratings ng Presidente Rodrigo Duterte at Bise Presidente Leni Robredo nitong nakaraang buwan, ayon sa huling pag-aaral na inilabas ng Pulse Asia.

Mula sa 85% na trust rating ni Duterte noong Hunyo, nasa 74% na lang ito pagsapit ng Setyembre — 11-puntos na pagbaba.

Ang kanyang approval rating, na nasa 85% din noong Hunyo, nasa 78% na lang, o 7-puntos na kabawasan.

Ayon kay presidential spokesperson Salvador Panelo, wala naman daw dapat ikabahala sa mga numerong ito: "Mataas pa rin," sabi niya sa Inggles.

"Hindi ba nagflu-fluctuate naman talaga 'yan? Pero more than 70% pa rin eh."

Wika ni Panelo, maaaring may kinalaman ang nangyayaring pagbusisi ng Senado sa isyu ng "ninja cops" sa pagbaba ng tiwala ng taumbayan sa presidente.

Ang isyu, na may kinalaman sa mga opisyal ng Philippine National Police na diumano'y nagre-"recycle" ng mga nakukumpiskang droga, ay nangyayari sa gitna ng madugong "war on drugs" ni Duterte.

Matatandaang itinuro ni dating Criminal Investigation and Detection Group chief Benjamin Magalong, na ngayo'y alkalde na ng Baguio City, si PNP chief Oscar Albayalde bilang "protektor" daw ng mga pulis na dawit sa kalakalan ng droga.

Pero giit ni Panelo, sadyang may epekto sa imahen ng presidente ang anumang tampok na isyu sa isang takdang panahon.

"Nagbabago-bago ang itsura ng survey kung kailan mo kinalap ang datos. Kung kinuha siya sa panahon ng kontrobersya, tiyak na apektado ang survey results," paliwanag niya sa press briefing.

"Pero nananatili ang katotohanan na ang 70 plus percent, mataas pa rin 'yan."

Nananatiling si Duterte ang pinakapinagtitiwalaang opisyal sa gobyerno ng mga Pilipino sa kabila ng mga resulta, kung pagbabatayan ang pag-aaral.

VP Leni bumaba rin sa survey

Dumanas din ng kahalintulad na paglubog ang mga puntos na nakuha ng ikalawang pangulo.

Mula sa 52% trust ratings noong Hunyo, 46% na lang ito noong Setyembre.

Ang approval ratings naman ni Robredo, bumaba rin sa 50% mula sa 55% noong nakaraang buwan.

Nasa 6% at 5% ang natapyas sa kanyang mga puntos.

Kasalukuyang iprinoprotesta ni dating Sen. Bongbong Marcos ang resulta ng 2016 national elections kung saan nakalaban niya si Robredo sa pwesto ng pagiging ikalawang pangulo.

Kahapon, sinabi ng kampo ni Robredo na mananatili siyang bise anuman ang maging desisyon ng Presidential Electoral Tribunal sa inisyal na recount na inilunsad sa mga pilot provinces na pinili ni Marcos. — may mga ulat mula kay Janvic Mateo

Show comments