PNP iimbestigahan sa P35 milyong bounty sa Batocabe slay

Si Batocabe, na tumatakbong mayor ay pinagbabaril kasama ang kanyang police escort hanggang sa mapatay noong Disyembre 22, 2018 habang namamahagi ng mga regalo sa Brgy. Burgos sa Daraga, Albay.
Facebook/Rodel M. Batocabe

MANILA, Philippines – Paiimbestigahan ng Kamara ang Philippine National Police ((PNP) kung saan napunta ang P35 milyong bounty sa pagkamatay ni Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe noong Disyembre 2018.

Naghain na ng House Resolution 384 si House Minority leader at Manila 6th District Benny Abante para alamin kung saan napunta ang reward money.

Giit ni Abante, ang P35 milyon ay ibinigay sa PNP para sa “safekeeping at disbursement to qualified witnesses”.

Subalit nakatanggap umano ng impormasyon ang mga kongresista na hindi pa rin natatanggap ng ilang witness ang kanilang share sa pabuya at ngayon ay natatakot na dahil na rin sa kawalan nila ng pinansyal na kapasidad na ma-secure ang kanilang sarili at kanilang mga pamilya mula sa mga pagbabanta sa kanilang mga buhay.

Paliwanag ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin sa kabuuang halaga, P13 milyon dito ang mula sa mga kongresista, P20 milyon mula kay Pangulong Duterte at P2 milyon mula sa provincial government ng Albay.

Si Batocabe, na tumatakbong mayor ay pinagbabaril kasama ang kanyang police escort hanggang sa mapatay noong Disyembre 22, 2018 habang namamahagi ng mga regalo sa Brgy. Burgos sa Daraga, Albay.

Itinuturong mastermind sa pagpatay ang noo’y Daraga Albay Mayor Carlwin Baldo na inaresto at nakulong subalit pinayagang makapagpiyansa ng korte.

 

Show comments