5 PMA cadets, medical officer kakasuhan sa pagkamatay ni Dormitorio
MANILA, Philippines — Muling nadagdagan ang mga suspek sa pagkamatay ni Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio sa Philippine Military Academy nitong nakaraang Miyerkules.
Kakasuhan sa paglabag sa Anti-Hazing Law ang limang PMA cadets habang isang medical officer ang haharap sa criminal negligence kasunod ng "maltreatment" ni Dormitorio.
Sa ulat ng CNN Philippines, sinabi ni Baguio Police chief Allan Rae Co na isasampa na ang mga reklamo sa darating na Lunes.
Hindi pa naman pinapangalanan ang mga panibagong isinasangkot, parehong third class cadets, na may direktang partisipasyon din daw sa brutalidad.
Tumanggi namang sumagot si PMA spokeseperson Renan Afan kung tinanggal na sa military school ang mga panibagong suspek.
Wala pa ring tugon si Armed Forces of the Philippines spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo kaugnay ng status ng dalawa. Ang PMA ay eskwelahan ng AFP.
Inilantad na rin ng Philippine National Police ang pinaghihinalaang sandata na ginamit laban kay Dormitorio.
"May nagamit na tactical flashlight with protruding steel part sa taas, which serves as taser, kay Darwin," sabi ni Co.
Ang taser ay karaniwang ginagamit para pansamantalang magdulot ng pagkaparalisa sa tao gamit ang kuryente.
Dagdag pa ni Co, maaaring sinipa pa sa ulo si Darwin nang siya'y mahina na.
Una nang sinabi ng Baguio PNP na haharap sina Cadet Third Class Shalimar Imperial at Cadet Third Class Felix Lumbag at Cadet First Class Axel Ray Sanupao sa anti-hazing law.
Nailantad sa police investigation na nawala ni Dormitorio ang bota ni Sanupao, na posibleng naging sanhi raw ng "pagpaparusa" sa kanya.
Pare-pareho nang "separated" mula sa serbisyo sina Imperial, Lumbag at Sanupao.
Sina Imperial at Lumbag ay may direktang partisipasyon diumano sa pananakit habang "nang-angganyo" naman daw sa kaharasan si Sanupao, pagbabahagi ng nagbitiw na PMA superintendent na si Lt. Gen. Ronnie Evangelista. — James Relativo at may mga ulat mula kay Artemio Dumlao
- Latest