^

Bansa

PMA superintendent nagbitiw kasunod ng hazing death ng kadete

James Relativo - Philstar.com
PMA superintendent nagbitiw kasunod ng hazing death ng kadete
"Sa tradisyong militar ng command responsibility, ngayon ang tamang panahon, bilang pinuno ng institusyong ito, kasama ng commandant of cadets, para magbitiw sa aming mga tungkulin," ani Evangelista sa Inggles.
File

MANILA, Philippines — Pormal nang bumaba sa pwesto ang superintendent ng Philippine Military Academy matapos mamatay ang isa nilang kadete bunsod ng hazing.

Sa isang press briefing ngayong Martes, sinabi ni Lt. Gen. Ronnie Evangelista na iprinesenta na niya ang kanyang resignation sa chief of staff ng Armed Forces of the Philippines.

"Sa tradisyong militar ng command responsibility, ngayon ang tamang panahon, bilang pinuno ng institusyong ito, kasama ng commandant of cadets, para magbitiw sa aming mga tungkulin," ani Evangelista sa Inggles.

Ika-18 ng Setyembre nang mamatay sa blunt force trauma si Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio, ayon sa resultang inilabas ng medico legal.

Dagdag pa ni Evangelista, gagawin niya ang lahat ng dapat gawin habang naghihintay ng mga utos.

"Hindi ko iniwan ang posisyon sa gitna ng krisis. Hinarap ko ang mga problema at tinapos na namin ang mga imbestigasyon," dagdag niya.

"Mali para sa isang kadete na mamatay sa kamay ng kapwa kadete. Mali ang pagmamaltrato sa PMA."

Aniya, lahat ng mga ulat para sa mga kasong administratibo at kriminal ay tapos na, at gumugulong na ang prosecution proceedings.

Ang PMA headquarters ang umasikaso sa administrative investigation habang ang Philippine National Police naman ang humahawak ng criminal investigation.

Dagdag ni Evangelista, gagamitin nila itong pagkakataon upang linisin ang ranggo ng PMA at gawing propesyunal ang bawat aspeto ng edukasyon at pagsasanay.

Bagama't hindi raw nito maibabalik ang buhay ni Dormitorio, pananagutin daw nila ang mga sangkot dito upang masigurong hindi na maulit ang mga "pagmamaltrato."

Pisikal na pananakit at sikolohikal na pagpapahirap, bawal sa batas

Kasama sa mga ipinagbabawal ng Republic Act 11053, o Anti-Hazing Act of 2018, ang pisikal na pananakit at sikolohikal na pagpapahirap sa mga rekrut o miyembro ng mga organisasyon tulad ng PMA.

"All forms of hazing shall be prohibited in fraternities, sororities, and organizations in schools, including citizens' military training and citizens' army training," ayon sa Section 3 ng batas.

Gayunpaman, "maltreatment" at hindi "hazing" ang ginamit na lenggwahe ng mga opisyal ng PMA sa press briefing kanina.

Mga kadeteng 'for separation'

Samantala, tinukoy naman ni Brig. Gen. Bartolome Vicente Bacarro, commandant of cadets, ang mga kadeteng parurusahan nila kaugnay ng insidente.

Pinatawan din ng separation from service ang dalawag cadet third class sa dahil sa direktang partisipasyon sa "pagmamaltrato."

For separation din ang isang cadet first class dahil sa "pag-eengganyo" ng pang-aabuso.

"Totoo, merong pagmamaltratong nangyari," ani Bacarro.

Bilang bahagi ng command responsibility, for separation din ang squad leader ni Dormitorio habang papatawan ng suspensyon ang kanilang platoon leader at company officer, maliban sa iba pa.

Hindi rin nakalusot ang ilang nakatalaga sa PMA station hospital habang gumgugulong ang imbestigasyon: "[A]ng commanding officer ng Philippine Military Academy station hospital na si Col. Caesar Candelaria at attending physican... na si Capt. Flor Apple Apostol," dagdag ni Bacarro.

Kinumpirma naman kahapon ni Brig. Gen. Edgard Arevalo, tagapagsalitsa ng AFP, na dalawa pang kadete ng PMA ang kasalukuang nasa ospital dahil sa posibleng pagmamaltrato.

Una nang sinabi ni Maj. Renan Afan, tagapagsalita ng PMA, na haharap sa anti-hazing law ang mga mapatutunayang guilty sa pagmamaltrato.

Nagpaabot na rin ng kanilang simpatya sa pamilya ng biktima ang mga kinatawan ng ACT-CIS party-list na sina Niña Taduran, Eric Go Yap at Jocelyn Tulfo.

DARWIN DORMITORIO

HAZING

MALTREATMENT

PHILIPPIME MILITARY ACADEMY

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with