'Dedma': Imee nag-react sa planong pagpapa-ban sa pamilya Marcos sa UP, Mapua
MANILA, Philippines — Hindi ininda ni Sen. Imee Marcos ang panawagan ng ilang student leaders na ideklarang persona non grata sa loob ng kani-kanilang mga pamantasan ang pamilya ng dating diktador na si Ferdinand Marcos.
Kaugnay pa rin ito ng resolusyong nilagdaan ng ilang student council members ng University of the Philippines at Mapua University kahapon.
Sagot ni Sen. @ManangImee Marcos kaugnay ng joint resolution ng ilang UP at MAPUA student leaders na ideklarang persona non grata ang pamilya Marcos sa kanilang mga unibersidad. pic.twitter.com/FVCVT1QfTT
— News5 AKSYON (@News5AKSYON) September 20, 2019
"Hay nako day, dedma na," sabi ni Marcos sa media ngayong Biyernes.
"Nakailang dekada na."
Ibinunsod ang resolusyon ng pagbisita ni Imee sa UP Diliman noong 2018 at kanyang kapatid na si Irene ngayong 2019.
Una nang sinabi ng mga estudyante na plano nilang makakuha ng suporta ng iba pang mga institusyong pang-edukasyon sa mga susunod na araw.
Bukas, ika-21 ng Hunyo, ang ika-47 anibersaryo ng deklarasyon ng martial law noong 1972.
Asignatura tungkol sa Martial Law
Inilabas ni Imee ang reaksyon sa panawagang persona non grata ilang araw matapos ideklara na magtuturo ng subject sa UP kaugnay ng Martial Law.
Wala naman daw problema pagdating dito ani Marcos, pero sana'y matalakay din daw ang panig nila.
"Pagbigyan na lang lahat," ani Imee sa ulat ng CNN Philippines.
"Actually sa tingin ko, kasalanan din ng pamilya namin kasi naging tameme rin kami. Tinamad na kami magsalita, hindi namin binabahagi ang alam namin. 'Di na kami nagkikwento kasi parang nakakapagod na."
Tinutukoy ng dating presidential daughter sa Philippine Studies 21, na i-ooffer sa UP Diliman sa susunod na semestre.
Pero ayon naman klay Gonzalo Campoamar II, associate professor ng UP Department of Filipino and Philippine Literature, malaking bahagi ng ituturo sa nasabing paksa ay panig mismo ni Ferdinand Marcos.
"'Yung una ngang part noong syllabus, pag-aaralan din 'yung mga sinabi nina Marcos. 'Yung mismong proclamation, at tska 'yung mismong sinabi niya during the Martial Law," sabi ni Campoamor sa panayam ng ANC.
Pag-aaralan daw nito ang wika at panitikang nilikha noon, hindi lang ng mamamayan ngunit pati na raw ng mismong gobyerno.
"Twenty years na-control ni Marcos 'yung mass media. So, bakit kailangan pang pakinggan 'yung sasabihin nila? Lahat ng gustong sabihin ni Marcos, sinabi na niya ng 20 years eh," dagdag pa ni Campoamor.
Aniya, taong 2016 pa lang daw ay pinag-uusapan na raw nila ito kasunod ng pagpapalibing ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Ferdinand sa Libingan ng mga Bayani.
Tugon daw ito sa tila pagbango ng imahe ng diktadura sa mga nagdadang taon, na ilang beses nang isinalararwan bilang pagbaluktot ng kasaysayan.
Una nang sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na mainam na ituturo ang Martial Law sa kolehiyo — 'yan ay kahit kaalyado ni Duterte si Imee.
UP, Mapua sa ilalim ni Marcos
Ang dalawang konseho ng mag-aaaral na nagpapa-ban sa mga Marcos ay nagmula sa mga pamantasang may makasaysayang papel sa ilalim administrasyong Marcos.
Kilala ang iba't ibang units ng UP sa buong bansa para sa militanteng aktibismo at pagtutol sa batas militar.
Sa nasabing pamantasan nanggaling ang mga nagtayo ng grupong Kabataang Makabayan at Samahang Demokratikong Kabataan, na malimit makita sa kalsada laban sa mga polisiya ni "Macoy."
Sa librong "The Making of the Philippines" ni Frank Senauth, idinetalye naman ni Frank Senauth kung paanong dinukot ng mga personal bodyguards ni Imee si Archimedes Trajano, isang 21-anyos na estudyante ng Mapua.
Nangyari raw ito sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila taong 1977, nang kwestyunin ni Trajano ang pamumuno ni Imee sa Kabataang Barangay dahil "masyado nang matanda sa posisyon."
Natagpuan ang bangkay ni Trajano 'di lumaon, at napagdesisyunan ng korte sa Honolulu, Hawaii na siya'y binugbog at dumanas ng torture — dahilan para awardan ng $4.16 milyon ang pamilya Trajano.
Bukod pa 'yan sa 70,000 inaresto, 34,00 na-torture, 3,240 na na-"salvage" at 398 na biglang nawala sa ilalim ng panunungkulan ng kanyang ama.
- Latest