‘Designated Survivor’ sa Pinas itinulak
MANILA, Philippines – Isinulong ni Sen. Panfilo Lacson ang pagkakaroon ng “reserba” pang lider ng bansa sakaling mapahamak ang Vice President, Senate President at House Speaker na kahalili ng Pangulo.
Isinampa ni Lacson ang Senate Bill 982, na tinaguriang “Designated Survivor” Bill bunga na rin ng patuloy na pagtaas ng banta ng terorismo sa iba’t ibang panig ng mundo, mga kalamidad at “exceptional circumstances”.
Anya, walang pinipiling lugar, okasyon at oras ang terorismo.
Ayon kay Lacson, maraming mga pagkakataon na magkakasama sa mga okasyon ang Pangulo, mga miyembro ng gabinete at mga lider ng Kongreso.
Sa State of the Nation Address, taun-taon nagsasama-sama ang President, Vice President, Cabinet members, mga opisyal ng AFP, PNP, mga local government officials at miyembro ng diplomatic corps.
Nakasaad sa panukala na kapag ang lahat ng mataas na lider ng bansa ay nasa isang pagtitipon, dapat may aatasan ang Pangulo na nakahandang pamalit sa mga ito, at nakatago sa isang ligtas na lugar para mamuno sa bansa sakali man na silang lahat ay mapahamak nang sabay-sabay.
Matitigil lamang ang pagganap bilang pinuno ng pamahalaan ng “Acting President” 90 araw matapos na maluklok sa puwesto ang bagong Pangulo.
- Latest