Lagman walang malasakit - Go
MANILA, Philippines – Naniniwala si Sen. Bong Go na kawalang malasakit sa taongbayan, pagiging manhid at pagiging maramot ang nangingibabaw kay Albay 1st District Rep. Edcel Lagman kaya nito sinisilip at nais paimbestigahan ang Malasakit Center program ng gobyerno.
“Kung gusto mo, palitan mo na lang ang mga ito ng sarili mong programa. Pangalanan mong ‘Manhid Center’, ‘Maramot Center’---bagay na bagay sa kawalan mo ng malasakit sa ating mga kababayan,” pahayag ni Go sa kanyang privilege speech sa Senado.
Iginiit ni Sen. Go na si Lagman at hindi ang Malasakit Centers ang gumagamit sa pagbibigay ng medical assistance para sa pampulitikal na interes.
Aniya, si Lagman ay kagaya rin ng iba pang pulitiko na nagbibigay o humihingi ng endorsement letter sa barangay bago tumulong sa mga pasyente.
May inilabas siyang kopya ng endorsement letter mula sa opisina ni Lagman na ibinibigay sa mga pasyente para ipakita sa mga ospital.
“Balita ko pinapupunta mo pa sa bahay mo ang mga tao para mag-avail ng benefits o assistance,” ani Go.
“Now, that is partisan politics,” ang mariing pahayag ni Go sabay sabi pang “Never ako nag-require ng ganyan. Never ko pinagpilian ang taong tutulungan ko.”
Sa isang pagdinig ng Kongreso, tinanong ni Lagman ang mga opisyal ng PCSO kung ano ang legal na basehan nito para magbigay ng pondo sa Malasakit Centers. Hiniling din niya sa PCSO na i-validate kung epektibo nga ba ang Malasakit Centers at imbestigahan ito sa umano’y pagiging partisan.
Ang Malasakit Center ay one-stop shop para sa mga nangangailangan ng medical at financial assistance. May 41 Malasakit Centers nang naitatayo sa iba’t bang pampublikong ospital sa bansa.
- Latest