MANILA, Philippines — Ipinawawalang-bisa ng isang senador ang rekisitos na tangkad para sa mga aplikante ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Bureau of Jail Management and Penology.
Sa kanyang Senate Bill 312, sinabi ni Senate majority Leader Juan Miguel Zubiri na talamak pa rin ang height discrimination sa mga nabanggit na ahensya kahit na kaya namang maglingkod ng ilan.
"Hindi nakabebenepisyo sa bansa ang pagkiling sa nakatatangkad," sabi ni Zubiri Lunes sa Inggles ngayong Lunes.
Bagama't tinanggal na ang height requirement sa mga gustong kumuha ng PNP entrance exam, sinabi ni Zuburi na "hindi nito sakop ang police recruitment."
Sa ilalim kasi ng Republic Act 6975 at Republic Act 9263, "minimum qualification" sa mga nais maging pulis, bumbero at jail guards ang pagiging nasa 5'4" (162 m.) para sa lalaki habang nasa 5'2" (1.57 m.) naman ang hinihingi para sa mga babae.
Ayon sa World Population Review ngayong 2019, 5'4" 1/2 ang average na tangkad ng mga lalaking Pinoy habang 5'0" naman daw ang mga Pinay.
"Ang mga nais maglingkod ay dapat bigyan ng pagkakataong ipamalas kung sapat ang kanilang pisikal na lakas, katalinuhan at potensyal sa mga nasabing posisyon," wika pa ni Zubiri.
Muntik nang mapalitan ang nasabing height requirement taong 2013 nang bumoto ang 16th Congress na maibaba sa mahigit-kumulang 5'2" (1.57 m.) ang rekisitos para sa mga lalaki at 4'8" (1.42 m.) para sa mga babae.
Gayunpaman, vineto ito ni dating Pangulong Benigno Aquino III sa kadahilanang pwede naman daw itong i-wave ng PNP para sa ilang aplikante, gaya ng mga kabilang sa mga pambansang minorya.
Kung magiging batas ang panukala ni Zubiri, mawawalan na ng saysay ang height requirements ng RA 9263 at RA 6975.