CHR: Karapatan ng Zagu workers magprotesta laban sa kontraktwalisasyon

Ayon sa komisyon, kinokontrata lang daw kasi ang mahigit-kumulang 250 empleyado ng nasabing negosyo kahit na umabot na ng 10 taon ang ilan sa kanila.
Facebook/Boycott Zagu

MANILA, Philippines — Wala naman daw masama sa pagproprotesta ng mga manggagawa ng Zagu laban sa diumano'y kontraktwalisasyon na ginagawa ng kumpanya, 'yan ang sabi ng Commission on Human Rights sa isang pahayag Biyernes. 

Ika-6 ng Hunyo nang itayo ng Organization of Zagu Workers - Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reforms ang welga nila kaugnay ng hindi pagreregularisa sa kanila ng kumpanyang gumagawa ng pearl shakes.

"The workers and union members of the Organization of Zagu Workers-Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reforms (Organiza-Super) are within their rights to protest against Zagu Foods Corporation for alleged illegal labor-only contracting and unfair labor practices," sabi ng CHR sa isang pahayag.

Ayon sa komisyon, kinokontrata lang daw kasi ang mahigit-kumulang 250 empleyado ng nasabing negosyo kahit na umabot na ng 10 taon ang ilan sa kanila.

Una nang pumagitna at nagpakita ng suporta si Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga manggagawa matapos ang mga nangyaring karahasan doon sa pagitan ng mga welgista't "eskirol."

Dalawang miyembro ng unyon ang nasaktan nitong ika-8 ng Hulyo kaugnay nito, na pagpapatupad lang daw ng Zagu sa temporary restraining order na ibinaba ng National Labor Relations Commission.

"Actually po sir, bale po may TRO na po kasing inimplement," paliwanag ng officer-in-charge ng Zagu kay Sotto sa isang video.

Pero sabi ng mayor, pagharang lang sa paglabas-masok sa kumpanya ang sakop ng TRO at hindi ang mismong pagpi-piket.

"In a system where the business flourishes while the workers that made it grow are deprived of the benefits of permanent employment, it is clear that the welfare and rights of the laborers are not upheld," dagdag ng CHR.

Aniya, pinipigilan ng iligal na kontraktwalisasyon ang kasiguraduhan sa trabaho ng mga manggagawa habang iniiwasan ang mga obligasyon sa mga empleyado.

Taong 2018 nang maglabas ng Executive Order 51 si Pangulong Rodrigo Duterte, na nagbabawal sa pagco-contract at subcontract para matakasan ang pagbibigay ng "security of tenute."

Ipinagbabawal na rin ng Department Order 174 ng Department of Labor and Employment ang pagco-contract ng mga trabahong direktang may kinalaman sa negosyo.

Bagama't kinakailangang balansehin ang kapakanan ng mga manggagawa at negosyo, naninindigan ang CHR na hindi ito dahilan para apihin ang mga obrero.

"[T]his is not a justification to denigrate the working Filipinos with oppressive labor practices that trap them in poor working conditions and mire them into economic uncertainty or poverty," patuloy nila.

"The State and businesses alike must always uphold the dignity and rights of workers who are the foundation of the economy that sustain us all."

Show comments