MANILA, Philippines — Kinatigan ng Court of Appeals ang isa pang sentensiya sa pyramid queen na si Rosario Baladjay at asawa nyang si Saturnino kaugnay ng investment scam ng kumpanya nilang Multinational Telecom Investors Corporations (Multitel) na bumiktima sa libu-libong tao noong 1990s.
Sa 15 pahinang desisyong ipinalabas noong nakaraang linggo, pinagtibay ng special 17th division ng appellate court ang hatol na 455 taong pagkabilanggo na ipinataw sa mag-asawa ng Makati City Regional Trial Court Branch 56 noong Nobyembre 2015.
Ibinasura ng CA dahil sa kakulangan ng merito ang petisyon nina Baladjay na humihiling na baligtarin ang desisyon ng RTC.
Sinang-ayunan ng CA ang desisyon ng mababang korte na nagsasaad na ang mag-asawang Baladjay ay nagkasala sa 65 count of violation of Section 8 ng Securities Regulation Code dahil sa pagbebenta ng unregistered securities sa publiko. May parusa rito na pito hanggang 21 taong pagkabilanggo bawat count.
Pinagtibay din ng CA ang utos ng RTC sa nasasakdal na bayaran ang mga complainant sa kaso ng kabuuang P8 milyon.
Isinaad sa desisyon ng CA na isinulat ni Associate Justice Elihu Ybanez na napatunayan ng tagausig ang pananagutan ng akusado.
Bagaman hinatulan ng kabuuang 455 taong pagkabilanggo ang mag-asawa, ibinaba naman ang sentensiyang ito sa 40 taon sa ilalim ng three-fold rule sa penalties sa criminal case.
Nauna ring kinatigan ng CA ang sentensiya sa mag-asawang Baladjay sa iba nilang mga kasong kriminal.
Lumilitaw sa rekord na ang Multitel na nagsimula ng operasyon noong hulihan ng dekada 80 hanggang sa maipasara ito ng Securities and Exchange Commission noong 2001 ay nakapanghikayat ng mga investor na inabot ng guaranteed 4% monthly interest 0 48% per year para sa minimum investment na P10,000.