MANILA, Philippines — Kokolektahan na ng income tax ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang lahat ng dayuhang manggagawa sa Pilipinas mula ngayong Hulyo.
Ito ang inanunsyo ng BIR batay sa pahayag ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III na magpapatupad ang ahensiya ng mahigpit na patakaran upang makolekta ng buwis na hindi nakukuha sa mga dayuhan na may trabaho sa Pilipinas.
Ani Dominguez, batay sa kanyang direktiba ay naabisuhan na siya ng BIR na magsisimula na ngayong Hulyo na maningil ng income tax sa foreign workers.
Kasama ng BIR sa task force sa pagkolekta ng buwis ang Department of Labor and Employment (DOLE), Bureau of Immigration (BI) at Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) hinggil sa pagkolekta ng buwis.
Samantala, hiniling ni TUCP Partylist Rep. Raymond Democrito Mendoza sa DOLE na habulin at papanagutin ang mga illegal foreign recruiters sa bansa.
Ito ay kasunod ng paglobo ng bilang ng mga illegal foreign workers sa bansa kung saan 106 na iligal na manggagawang dayuhan ang nadakip noong isang Linggo dahil sa kawalan ng mga dokumento para makapagtrabaho.
Ayon kay Mendoza, hindi sapat na dakpin at ikulong ang mga nahuling illegal foreign workers kundi dapat ay tugisin at papanagutin din ang mga illegal foreign recruiters na nagdala sa mga ito sa bansa gayundin ang mga establisyimento na tumanggap sa mga dayuhang manggagawa kahit na kulang sa mga papeles ang mga ito.