Impeach Digong itutuloy ng Makabayan bloc

Sinabi ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, na malinaw ang basehan ng impeachment sang-ayon sa pahayag ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na paglabag sa Konstitusyon ang pagpapahintulot sa Chinese fishermen.

MANILA, Philippines — Sa kabila ng banta ni Pangulong Duterte na ipapakulong ang maghahain ng impeachment complaint laban sa kanya, handa pa rin ang Makabayan Bloc sa Kamara na mag-endorso ng panibagong impeachment complaint laban sa Presidente.

Sinabi ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, na malinaw ang basehan ng impeachment sang-ayon sa pahayag ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na paglabag sa Konstitusyon ang pagpapahintulot sa Chinese fishermen.

Matatandaan na inihayag ni Duterte na pinayagan niya ang mga mangingisdang Chinese na pumasok sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Kaya giit ni Tinio, sakaling may indibidwal o grupo na maghahain ng impeachment complaint sa Kamara ay agad itong ieendorso ng Makabayan Bloc.

Gayunman, aminado ang kongresista na tagilid ang ihahaing impeachment laban sa Pangulo at maaaring itapon na naman sa basurahan ng House Justice Committee dahil sa posibleng pag-usbong muli ng supermajority sa Mababang Kapulungan.

Show comments