Bicol International Airport matatapos sa 2020
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade na matatapos ang pinapagawang Bicol International Airport sa Albay sa Hunyo 2020 at mapapasimulan ang operasyon nito bago matapos ang naturang taon.
Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, ginawa ni Tugade ang kanyang pangako sa pulong nila kamakailan sa tanggapan ng DOTr sa Clark, Pampanga kung saan tinalakay ang huling mga kaganapan kaugnay sa P4.8 bilyong BIA at iba pang mga proyekto sa mga rehiyon.
Inaasahang malaki ang maiaambag ng BIA kapag natapos ito sa pangkalahatang pagsulong ng bansa, lalo na sa larangan ng turismo. Magsisilbi itong susi para mabuksan ang mga nakakabighaning kayamanan sa turismo ng timog Luzon.
Ayon sa talaan, 57% na itong tapos nitong nakaraang Mayo 30.
Tiniyak ni Salceda na malaki ang magiging ambag ng BIA sa pambansang turismo lalo na at seryoso rin ang Department of Tourism sa misyon nitong itaas sa 20 milyong turista ang aakitin sa bansa.
- Latest