MANILA, Philippines — Hinikayat ni PNP Chief Gen. Oscar Albayalde ang iba pang miyembro ng pulisya na nakaranas din ng pagmamaltrato sa kanilang mga superior na lumantad at magsampa ng kaso.
Ayon kay Albayalde, hindi siya mag-aatubili na papanagutin ang mga police officials na nagmamaltrato sa kanilang mga tauhan katulad ng ginawa ni Eastern Police District (EPD) director Brig. Gen. Christopher Tambungan sa isang policewoman noong nakaraang buwan.
Hindi umano inaalis ng opisyal ang posibilidad na mayroon pang katulad na kaso ng pang-aabuso sa iba pang ranggo ng pulisya.
Tiniyak naman ni Albayalde sa mga biktima na bibigyan ng patas na imbestigasyon at hindi ito-tolerate ang mga pang-aabuso maging senior officers o hindi.
Si Tambungan ay sinibak sa kanyang puwesto habang patuloy ang imbestigasyon sa kasong physical at verbal abuse kay Cpl. April Santiago na nakatalaga sa San Juan City police.
Iginiit ni Albayalde na umabuso si Tambungan ng pisikal na saktan ang policewoman dahil may iba namang paraan para parusahan ang isang opisyal.
Handa naman umanong magbigay ng legal assistance ang PNP kay Santiago kung nais niyang isulong ang kaso laban kay Tambungan.