MANILA, Philippines — Inalmahan ng isang grupo ng manggagawa ang pagtanggap ng House of Representatives sa mga probisyon ng Senate Bill 1826 na naglalayong palakasin ang “security of tenure” sa pribadong sektor at wakasan ang kontraktwalisasyon sa bansa.
Tinatawag ring “Act Strengthening Worker’s Right to Security of Tenure,” inaprubahan ng Senado ang panukalang batas noong ika-22 ng Mayo sa ikatlo at huli nitong pagbasa.
May sariling bersyon nito ang Kamara, ang House Bill 6908, na binago 'di malaon at inilapat sa beryson ng Senado.
Sabi ni Sonny Matula, presidente ng Federation of Free Workers, ang kawalan ng mga orihinal na probisyon ng HB 6908 dito ay hindi magbibigay ng kalutasan sa “abusadong” kontraktwalisasyon.
"This is not the law that the trade unions and the workers envisioned for many many years," wika niya sa isang pahayag.
(Hindi ito ang batas na ninais makita ng mga unyon at manggagawa matapos makipaglaban ng maraming taon.)
Ipagbabawal ang ‘subcontracting’ sa ilalim ng SB 1826, pati na rin ang paglalagay ng mga kontraktwal na manggagawa sa mga serbisyong lisensiyado ang kwalipikasyon.
Gayunpaman, hindi pa rin daw sapat ang nilalaman at pangit ng panukala sa Senado.
"We condemn in the strongest possible terms the manipulation in the House of Representatives adopting Senate Bill 1826 or Security of Tenure (SOT) bill without considering the progressive provisions of House Bill 6908 which trade unions have been advocating for in the House for 21 years now," dagdag niya.
(Mariin naming kinukundena ang pagmamanipula ng Kamara matapos nitong pagtibayin ang Senate Bill 1826 o Security of Tenure bill nang hindi kinukunsidera ang mga progresibong probisyon ng House Bill 6908 na 21 taon nang ipinaglalaban ng mga unyon.)
Dahil sa pagkakasundong ito Kongreso, hindi na kinakailangang sumalang ng batas sa isang bicameral conference committee.
"Clearly, some decision makers killed the process in the bicameral committee conference to prevent the harmonization of the law to answer the call of workers to security of tenure," sabi ni Matula.
(Malinaw na pinatay ang proseso ng bicameral committee conference upang hindi magkasundo ang kongreso sa pagsagot sa hinaing ng mga manggagawa sa usaping “security of tenure.”)
Samantala, naihatid na sa Malacañang ang Senate Bill 1826 para malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang hinimok ng pangulo na magpasa ang kongreso ng batas na magpapalakas sa karapatan ng mga manggagawa noong Mayo 1. — Philstar.com intern Edelito Mercene Jr.