MANILA, Philippines — Muling binanatan ng isang economic think tank ang diumano'y mababang poverty threshold na itinakda ng gobyerno, dahilan para hindi maipinta ang totoong problema ng kahirapan ng bansa.
Matatandaang sinabi ng Philippine Statistics Authority na 21% na lang ng mga Pilipino ang mahihirap sa unang semestre ng 2018, mas mababa sa 27.6% taong 2015.
"Rather than hyping supposedly on-track poverty reduction, the Duterte administration should count the real numbers of poor and unemployed Filipinos. This is the only real basis for an effective strategy for poverty alleviation," sabi ng IBON, Martes ng umaga.
Ginamit kasi ng gobyerno ang P10,481 bilang poverty threshold para sa mga pamilyang lima ang miyembro kada buwan — katumbas ng P69.50 araw-araw para para matugunan ang "basic food and non-food needs."
"Unrealistically low poverty threshold and definition of unemployment since 2005 result in not counting millions of poor and unemployed Filipinos," dagdag nila.
Mahirap kumonti pero unemployment tumaas?
Ayon sa IBON Foundation, pinasisinungalingan ng mababang job creation, kawalan at mababang kaledad ng trabaho at barat na pasahod ang anunsyo ng gobyerno na nabawasan ang mahihirap sa Pilipinas.
Tumaas din daw ang tantos ng mga Pilipinong walang trabaho sa halos parehong panahon ayon sa pag-aaral ng grupo.
"Estimates in unemployment rate grew from 9% in 2016 to 9.9% in 2018. In 2018, there are estimated 4.6M unemployed and 6.7M underemployed Filipinos," sabi ng IBON.
Kaiba naman ito sa 5.5% at 5.3% annual unemployment rate na naitala ng PSA taong 2016 at 2018.
Pinakamababa raw sa loob ng anim na dekada ang job generation sa unang dalawang taon (0.2%) ng Pangulong Rodrigo Duterte kumpara sa nagdaang siyam na administrasyon (1.6%-3.9% annual average).
"Very weak job creation indicates an economy in crisis that deprives people of livelihoods," dagdag ng IBON.
Sinabi ng National Economic and Development Authority kamakailan na bumaba raw ang kahirapan sa Pilipinas dahil sa "rising quality of jobs" sa ilalim ng administrasyon ni Digong.
'Kita hindi nakasasapat'
Ayon sa NEDA, bumaba ang poverty dahil sa mas matataas na sahod at suweldo lalo na sa mga pinakamahihirap na pamilya.
Gayunpaman, nanindigan ang research group na malayo ang natatanggap ng pamilyang Pilipino kumpara sa arawan nilang pangangailangan.
"[F]or instance... the Php575.18 average daily basic pay of wage and salary workers in January 2018 is not even enough at 60% of the estimated Php955 National Capital Region family living wage at that time," wika ng IBON.
Aniya, kailangan ng mga Pilipino ang isang komprehensibong poverty alleviation strategy na magbibigay kapasidad sa ekonomiya na lumikha ng trabaho, magtaas ng kita at kabuhayahan at pagtataas ng productivity.