MANILA, Philippines — Binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kritiko nitong Huwebes na puwede niyang suspindihin ang writ of habeas corpus, iutos ang kanilang pagkakaaresto at magdeklara ng digmaan hanggang matapos ang kanyang termino.
Ito ang reaksyon ng presidente sa panawagan ni Sen. Franklin Drilon na "mag-ingat nang husto" sa pagre-review ng mga kasunduang pinasukan ng gobyerno, pagkat 'di raw basta-bastang kinakansela ang mga gumugulong nang kontrata.
"Ang dami ko nang problema sa krimen, droga at rebelyon, pero 'pag ako ang pinaabot niyo nang sagad, magdedeklara ako ng suspensyon ng writ of habeas corpus at ipa-aaresto ko kayong lahat," sabi ng pangulo sa magkahalong Ingles at Filipino sa Palawan.
Ang writ of habeas corpus ay ginagamit para ilitaw sa korte ang hinuling tao para malaman kung sang-ayon sa batas ang pag-aresto sa kanya.
Sinuspindi rin ang pribilehiyo nito sa buong bansa ng dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1971 matapos sumabog ang ilang granada sa Plaza Miranda.
Aniya, gagawin niya ito sa panahon ng kagipitan pero 'di binanggit kung sino ang kanyang ipahuhuli.
"Kasama kayo sa mga rebelde, mga kriminal, pati mga durugista. Then pahirapan mo ako? Magdedeklara ako ng revolutionary war hanggang matapos ang termino ko, then pasensiyahan tayo," dagdag niya.
"Bakit ako mag-iingat sa pagre-review ng kontrata na wala sa interes ng taumbayan?" sabi ni Duterte.
Taong 2017 nagbabala na rin si Digong na magdedeklara ng "revolutionary government" kung susubukin daw ng kanyang mga kalaban na patalsikin siya.
Pag-review ng kontrata
Nangyari ang isang closed-door meeting sa pagitan ni Duterte at mga negosyante ilang araw matapos niyang iutos sa Office of the Solicitor General na i-review ang lahat ng kontrata ng gobyerno sa mga pribadong sektor para siguruhing hindi lugi ang gobyerno.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sinabi rin daw ni presidente sa mga negosyante na abisuhan lang siya kung maging biktima sila ng "red tape" ng gobyerno.
Dinepensahan ni Palasyo ang utos ng presidente na i-review ang mga kotrata matapos kwestyunin ng ilang grupo ang timing ng utos.
Kaugnay ang bagong direktiba sa nangyayaring krisis sa tubig sa kamaynilaan at probinsya ng Rizal na isinisi ni Duterte sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System at private concessionaires na Manila Water at Maynilad.
Ayon kay Panelo, gumawa na raw si Justice Secretary Menardo Guevarra ng panel para masilip muli ang mga kontrata.
Una nang sinabi ni Duterte na posible niyang ibasura ang kontrata ng gobyerno sa mga kumpanya ng tubig.
Sinabi naman ng militanteng Bagong Alyansang Makabayan na sana'y ginawa na nila ito sa unang taon pa lang ng administrasyon.
Bagama't sinabi ng Bayan na matagal na sana itong ginawa, duda naman sila dahil tila ginagawa raw ito para malayo ang isyu sa mga diumano'y maanomalyang kasunduan sa Tsina.
Binira naman ni Panelo ang mga kritiko ng pangulo at sinabing ginagawa lang niya ang kanyang tungkulin.
Ngayong may ginagawa raw kasi ang gobyerno, ipinagtataka nila kung bakit kwinekwestyon pa kung "bakit ngayon lang kumikilos."